Advertisers

Advertisers

Simula ng panibagong ‘peak’ ng COVID-19 infections nakikita na – DOH

0 191

Advertisers

MAS marami pang kaso ng COVID-19 ang maitatala sa bansa sa mga susunod na linggo, ngayong nakikita na ng Department of Health (DOH) ang pagsisimula ng panibagong ‘peak’ ng sakit.

Ayon kay DOH Undersecretary Maria Rosario Vergeire, masusi nilang minu-monitor ngayon ang National Capital Region (NCR) na nakikitaan ng ‘significant increase’ ng COVID-19 cases na nasa 70%.

Sabi ni Vergeire, ang average number ng mga bagong kaso sa rehiyon ay dumoble na kumpara sa nakaraang linggo habang ang average daily attack rate (ADAR) ay tumaas na rin sa 1.02.



Maliban aniya sa NCR, minumonitor na rin ng DOH ang pagtaas ng mga bagong kaso ng sakit sa Ilocos Region, Cagayan Valley, Calabarzon, Mimaropa, Western Visayas, at Northern Mindanao.

Sa kabila naman nito, nilinaw ni Vergeire na hindi pa dumaranas ng panibagong surge ng COVID-19 ang bansa.



Ipinaliwanag ni Vergeire na ilan sa posibleng dahilan nang pagdami ng COVID-19 cases ay ang presensiya ng mas nakahahawang subvariants ng Omicron, pagtaas ng mobility sa bansa at ang nababawasang immunity ng vaccinated population.

Sa pinakahuling datos ng National Vaccination Operations Center (NVOC), nabatid na nasa 70 milyong Pinoy na ang fully vaccinated laban sa COVID-19 habang 74.8 milyon naman ang nakatanggap na ng kanilang first dose.



Mababa naman ang bilang ng mga nakatanggap ng kanilang first booster dose na nasa 14.7 milyon pa lamang habang 648,000 naman ang nakatanggap na ng second booster dose, na ipinagkakaloob pa lamang sa mga frontline healthcare workers, senior citizens, at immunocompromised individuals.

Nitong Linggo, ang bansa ay nakapagtala ng 612 bagong COVID-19 cases, sanhi upang umakyat na sa 4,529 ang mga aktibong kaso ng sakit sa bansa. (Andi Garcia)