Advertisers
Kinumpirma ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang natanggap na intelligence report hinggil umano’y plano ng mga komunistang grupo at front organizations na ipahiya si President-elect Ferdinand Marcos Jr sa mismong araw ng kanyang inagurasyon sa Hunyo 30.
Ginawa ni DILG Undersecretary and National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF ELCAC) spokesperson Jonathan Malaya ang naturang pahayag kasunod ng rebelasyon ng dating cadres ng CPP-New People’s Army-National Democratic Front (CPP-NPA-NDF) hinggil sa plano ng grupo na guluhin ang nakatakdang panunumpa niMarcos.
Sa press briefing na inorganisa ng NTF ELCAC, sinabi ng dating mga rebelde na sina Ka Warly” Baluyot, chairman ngayon ng Tinang Samahang Nayon Multi-Purpose Cooperative, at Ka Pong Sibayan, magsasaka mula sa Hacienda Tinang sa Concepcion, Tarlac na sinimulan na ng makakaliwang grupo ang pag-mobilize sa mga magsasaka sa kanilang probinsiya para sa naturang plano.
Sa kabila nito, tiniyak ng ahensiya na nakahanda sila sa naturang pagbabanta.
Sinabi ni Malaya na kanilang siniseryoso ang natanggap na intelligence report kasama na ang attached agencies nito, ang Philippine National Police (PNP) at kanilang gagawin ang lahat ng kaukulang aksyon para mapigilan ang ganitong pagtatangka na ipahiya o i-discredit ang nalalapit na inagurasyon ni Marcos Jr.
Nasa 6,200 PNP personnel ang ipapakalat para magmonitor sa key areas malapit sa National Museum.
Subalit ayon kay Malaya, ang naturang plano ng mga rebelde ay hindi na nakakagulat dahil hayagan na aniya ang mga grupong ito na maibagsak ang gobyerno.
Liban pa dito, nakatutok din ang DILG kaugnay sa claim ni dating Senate President Juan Ponce Enrile na ilang grupo sa America at Pilipinas ang nagpaplano na pahiyain si Marcos.
Wala talagang tigil ang mga front organizations ng CCP-NPA na guluhin ang bansa sa kabila ng matinding krisis na kinakaharap nito.
Front organizations gaya ng mga party-list groups at ang armed component ng communist party na layong harangin ang all-out efforts ng gobyerno na iahon ang bansa at ang mga mamamayan nito sa pagkakalugmok sa hirap dulot nga ng pandemya at patuloy na pagtaas ng presyo ng petroleum products sa pandaigdigang merkado.
Nagbigay naman ng babala si PNP OIC, Lt.Gen. Vicente Danao na nakabantay ang buong puwersa ng pambansang kapulisan sa mga pailalim na pagkilos na ito ng makakaliwang grupo at nakahanda ang PNP na ipatupad ang batas at magsagawa ng maramihang pag-aresto kung kinakailangan.
Kung baga, one false move ng mga komunistang ito ay mangangahulugan kanilang kapahamakan.
Nagpapaalala rin tayo sa mga mag-aaral at sa mga magulang ng mga ito na ‘wag pagamit sa makasariling agenda na isinusulong ng makakaliwang grupong ito na kalaban ng estado.
Sa mga kapwa natin magulang na ang tanging layunin ay mabigyan ng maayos na edukasyon ang ating mga anak, bantayan po natin ang maitim na balakin ng mga komunistang ito na hikayatin ang ating mga mahal na anak na makilahok at gawing ‘bala’ sa kanilang pakikihamok sa lehitimong gobyerno.
Mga estudyante po ang nais ilagay ng CCP-NPA sa kanilang frontline habang ang kanilang mga duwag na lider ay nakatago at nagkukubli sa bulwagan ng Mababang Kapulungan ng Kongreso.
May kasunod…
***
PARA SA INYONG KOMENTO, REAKSYON AT SUHESTIYON, MAGTEXT O TUMAWAG LAMANG SA CP. 0917-823-9628 O MAG-EMAIL LAMANG PO SA mhelbaraquiel1027@gmail.com