Advertisers
NATAPOS man ang termino ng alkalde ng Malabon na si Antolin “Lenlen” Oreta III ngayong 2022, ngunit hindi naman dito matutuldukan ang kanyang mga nagawa para sa mga Malabonian.
Sa kanyang pagbaba sa tungkulin bilang alkalde ngayong Hulyo 1, 2022 ay ma-iiwan si Mayor Oreta ang progresong pangmatagalan at pagbabagong damang-dama ng mga mamamayan sa may 21 barangay sa mahal niyang siyudad.
Ang simbolong mga proyekto na binigyang buhay ng kanyang pamamahala ay siyang magpapatingkad at testamento ng tatlong termino o katumbas ng siyam na taon niyang paglilingkod sa Malabon.
Isa sa mga pinagtuunan ni Oreta ang programa para sa kalusugan. Simula nang siya’y naupo, pinaganda niya ang serbisyo ng Ospital ng Malabon. Hatid nito ang serbisyo mula sa paanakan hanggang operasyon. Lalo pang nasubok ito nang dumating ang pandemya simula noong 2020. Hindi nagpatinag ang Alkalde sa ganitong problema. Naglatag, nagsagawa at nagpatupad ng mga epektibong solusyon ang lungsod upang matulungan ang mga Malabonian na malabanan at masugpo ang COVID-19.
Nagkaroon din ng programa para sa malnutrisyon. Sa tulong ng Karinderia para sa Kalusugan ni Chikiting (KKC), bumaba ang malnutrition rate sa lungsod ng Malabon.
Isa din ang edukasyon sa pinaka importanteng proyekto ng lungsod. Ilan lamang sa mga programang pang edukasyon ay ang Alternative Learning System at Project SHARE na nakatulong sa mga Malabonian upang makapag adjust sa tinatawag na new normal.
Isa sa mga highlight ng programang pang edukasyon ay ang pagkakatalaga sa City of Malabon University (CMU) bilang isang Local Economic Enterprise ngayong 2022. Nangangahulugan na di lamang umaasa ang CMU sa pondo ng Lungsod para sa mga proyekto para sa mga mag-aaral.
Naging layunin din ng pamamalakad ni Oreta ang pagbibigay ng pag-asa at bagong simula sa mga Malabonian. Kaliwa’t kanan ang mga programa para rito tulad ng mga aktibidad sa drug rehabilitation na bahagi ng programa ng Rehab Clinic, pagbibigay pansin sa mga Children in Conflict with the Law, at sa mga batang biktima ng pang-aabuso at pang-aabandona sa tulong ng Bahay Pag-Asa para sa Sagip Kalinga program ng CSWDD at ang pagpapatayo ng mga in-city resettlement site para sa mga ISF.
Napaganda rin ang serbisyo ng Lokal na Pamahalaan ng Malabon dahil sa pagpapatupad at pagsunod sa mga regulasyon katulad ng Anti-Red Tape Act at Malabon Citizen’s Charter. Isa sa kanilang mga innovation ay ang online payment system o E-BOSS.
Malaki ang papel ng imprastraktura sa pang araw-araw na buhay ng mga Malabonian. Mabuti ang naidulot ng mga streetlight at CCTV upang mas lalong maging ligtas na lungsod ang Malabon.
Pinagtuunan ng pansin ang pagsasaayos ng flood control system dahil layunin nilang huwag na muling makaranas ng mataas na pagbaha kapag mayroong bagyo. Nagkapagpalagay ng 16 na bagong pumping station at ito ay patuloy na inaalagaan ng lungsod kasama ang DPWH at MMDA.
At dahil hindi kayang bunuin ng buwis ng lahat ng Malabonian ang mga pampagawa sa mga imprastraktura, kinailangan ng lungsod na mangutang sa Land Bank. Matatandaang umutang ng P202.6-milyon noong 21018 ang Pamahalaan ng Malabon para sa mga proyekto tulad ng pagpapagawa ng Catmon Super Health Center kasama ang dalawang pang karagdagang gusali sa barangay, DRRMO Action Center sa Brgy. Potrero, Rehabilitasyon ng Oreta Sports Center, Greening Center Island sa C4 at Malabonian Sports Complex sa Hulong Duhat.
Lahat ng proyektong ito ay kasalukuyang nag-ooperate. Umutang din ng P1.15-bilyon noong 2020. Sa anim na proyekto na nakatakdang ma-implement, tatlo rito ay nagsisimula na katulad ng pagpapagawa ng Longos at Tonsuya Super Health Centers, at Rehabilitasyon ng Potrero Super Health Center, pagpapagawa ng City Health Building sa likod ng munisipyo, at rehabilitasyon ng Tugatog Public Cemetery.
Marami pang naging proyekto si Oreta sa kanyang termino na tiyak na nakatulong sa pagpapaganda at pagsasaayos ng takbo ng pamumuhay sa lungsod.Kaya para sa taga-Malabon si Mayor Antolin Oreta III at ang administrasyon nito ay isa ring alaala na kanilang babalik-balikan at lilingon-lingonin.
Taliwas sa mga haka-haka nitong nakaraang mga araw, hindi iniwan ni Oreta ang Malabon na walang pera. Nag-iwan ng balanse ang alkalde na nagkakahalagang P1,427,755,035.97 bilang panimula para sa bagong uupo na administrasyon. Naniniwala si Oreta na ang responsableng paggamit ng pondo ng lungsod, mababayaran ang mga hiniram na pera sa bangko na mayroong layunin na pagandahin at paunlarin ang Malabon.
***
Para sa komento: CP # 09293453199 at 09664066144; email: sianing52@gmail.com.