Advertisers
PINANGALANAN na ni alyas Totoy (Julie “Dondon” Patidongan) ang 12 pulis, kabilang ang dating police general, na umano’y sangkot sa pagkawala ng mga sabungero noong 2021 hanggang 2022, kasagsagan ng online sabong ng grupo ni Atong Ang.
Ang mga pulis ay kinilalang sina retired at dating hepe ng National Capital Region Police Office (NCRPO) Lt. Gen. Jonnel Estomo, Colonel Jacinto Malinao, Jr. (Visayas); Lt. Col. Ryan Jay Orapa (Highway Patrol Group); Major Mark Philip Almedilla (Cavite HPG); EMSgt Aaron Ezrah Cabillan (HPG); CMSgt Arturo dela Cruz, Jr. (Cavite HPG); SMSgt Adelson Olosco Amarin; SMSgt Joey Encarnacion (Cavite HPG); SMSgt Mark Anthony Manrique (HPG); SMSgt Reynand Fulgencio; SSgt Alfredo Andres (Cavite HPG), at Cpl. Angel Joseph Martin (Cavite HPG) na kumukuha sa mga sabungero at pumapatay saka dadalhin sa Taal Lake sa Batangas para doon itapon.
Ayon pa kay Patidongan, si Estomo ang nag-utos na pata-yin siya nang ibunyag niya ang usapin sa nawawalang sabungero.
Sinabi pa ni Patidongan na sa kadaldalan ni Charlie “Atong” Ang, nalaman niya na inutos ni Estomo na ipapatay siya dahil narin sa kanyang mga nalalaman.
Napilitan lamang siyang magbunyag nang pati ang kanyang pamilya ay kasamang papatayin.
Hindi naman napigilan ni Patidongan na maiyak kasabay ng galit sa mga nais na pumatay sa kanila.
Idinawit din ni Patidongan si dating Talisay Vice Mayor Charlie Natanauan na siya mismong tumatanggap ng mga papatayin at umano’y nagdedesisyon kung paano papatayin.
Sinabi naman ni Napolcom Chairperson at Executive Officer, Atty. Rafael Vicente Calinisan, na mahaharap sa kasong administratibo ang mga nasabing pulis, habang kasong kriminal sa mga retirado na.(Mark Obleada)