Advertisers
GANAP nang batas ang panukala na layuning maging permanente ang bisa ng Birth, Death at Marriage certificates mula sa Philippine Statistics Authority (PSA) o dating National Statistics Office (NSO).
Ayon kay Senador Bong Revilla Jr., ang may-akda at principal sponsor ng naturang panukala, awtomatikong batas na ang panukalang ipinasa ng Kongreso para sa naturang usapin matapos na “mag-lapse into law” ang panukala nitong Hulyon28.
Ibinahagi ni Revilla ang kopya ng liham na pirmado ni Executive Secretary Vic Rodriguez mula sa Palasyo upang ipaalam na naging batas na ang panukala.
Sa ilalim ng Republic Act No. 11909 o “Permanent Validity of the Certificates of Live Birth, Death, and Marriage Act,” hindi na kailangang gumastos at maglaan ng panahon ng taumbayan para kumuha ng bagong certificates.
Ani Revilla, ginawa umano ang batas dahil may mga ahensiya ng pamahalaan o ibang sangay na humihingi ng bagong kopya ng naturang dokumento pagkaraan ng anim na buwan.
Dahil dito, nagmimistulang anim na buwan lang umano ang bisa ng nasabing mga dokumento.
Sa kabila na ipinaliwanag ng PSA na walang expiration ang mga naturang dokumento na nanggagaling sa kanilang ahensiya, sinabi ni Revilla na ang may ahensiya na hindi ito tinatanggap sa sandaling nagpalit ng kulay sa security paper ang PSA na ginagamit sa paggawa ng certificate. (Mylene Alfonso)