Advertisers
Isinusulong ng ilang mambabatas ang “hybrid” na sistema ng eleksyon sa bansa.
Hindi naman daw ito masalimuot at hindi mahirap gawin.
Kaya sang-ayon dito si Commission on Elections (Comelec) Chairman George Erwin Garcia.
Sinuportahan niya na raw kasi noon pa ang hybrid election.
Maging si Garcia ay aktibong nakikipag-ugnayan daw sa Committee on Electoral Reforms ni Sen. Imee Marcos.
Siyempre, ginawa ni Garcia ang pahayag makaraang manawagan si Sen. Koko Pimentel sa Comelec na magpatupad ng totoong reporma.
Kasama sa mga sinasabing repormang ito ang hindi pag-asa o pagsandal sa “full automation”.
Nais din ni Pimentel na gawin itong hybrid para nalalaman daw ang bilang ng mga boto sa mga presinto.
Naging maganda raw ang kinahinatnan ng pagdinig sa Senado at umaasa siya na mas mapapaayos ang draft nito.
Mainam na punto rin na nakikita ng mga watcher na binabasa ang mga balota at maging ang mismong na-canvass sa araw ng eleksyon.
Kung matatandaan, noong nakaraang May elections, isinagawa ang full automation kung saan nailabas agad ang resulta ng halalan sa pinakamabilis na panahon.
Hindi naman maitatanggi na ang mungkahing hybrid na halalan ay nagsusulong ng manu-manong bilangan ng boto sa mga presinto.
Wala namang masama rito.
Nariyan din ang katotohanan na kaakibat nito ang elektronikong pagpapasa ng resulta mula sa mga presinto papunta sa mga probinsiyal na sentro.
Kasunod nito, doon ay elektronikong pinagtitibay ang mga boto, kasunod ng pagpapadala sa pambansang sentro at ng Comelec para sa pagtatala ng boto sa pangulo at pangalawang pangulo.
Ibig sabihin, pagsasamahin ang luma at bagong sistema.
At ang dating manu-manong halalan ay maaalalang pinalitan noong 2010 ng awtomatikong eleksyon.
Napakabagal nga naman ng dating proseso.
Sa ganitong paraan din daw ay maiiwasan ang mahabang panahon ng paghihintay sa pinal na resulta ng halalan.
Ngunit ang masaklap nga lang daw, aba’y sinasabing ang pandaraya na nagyayari sa mga presinto ay maaari nang gawin ng pakyawan gamit daw ang automation?
Hanggang ngayon, nananatiling alegasyon ang mga ito.
Sa palagay ko, hindi na dapat bumalik sa antigong sistema.
Ituon na lang natin ang ating atensiyon sa full automation.
Mahalaga nga lang na magtalaga ng kaukulang safeguards upang matiyak na walang magaganap na pandaraya.
* * *
PARA naman sa inyong mga sumbong, reaksyon, suhestiyon, atbp., maaari n’yo po akong i-email sa gil.playwright@gmail.com o kaya’y i-private message sa aking Facebook, Twitter, Instagram, at FB accounts. Paki-subscribe na rin po ang aking Youtube channel at Tiktok page na ‘Gilbert Perdez’. Maraming salamat po at stay safe!