Advertisers

Advertisers

BAWAL NA ANG BALIMBING!

0 418

Advertisers

Sa panukalang batas na inihain ngayon sa Kongreso, malinaw na ipinagbabawal na ang mga BALIMBING kalakip dito ang probisyon sa mga penalties o kaparusahan sa paglabag sa tinaguriang turncoatism.

Sa isinusulong na panukalang batas ni dating Pangulo at Pampanga Rep. Gloria Macapagal-Arroyo na House Bill 488, layong palakasin ang “political party system” sa bansa at patawan ng parusa ang mga tinaguriang mga “balimbing” sa pulitika.

Si CGMA ang kasalukuyang tumatayo bilang House Senior Deputy Speaker ng 19th Congress.



Sa explanatory note ng panukalang “Political Party Act,” ipinaliwanag ni Arroyo na mismong kasaysayan na ang nagsasabi na ang political parties sa bansa ay nagagamit bilang “political vehicles” para manalo sa eleksyon.

Kaya may mga aspirante na lumipat ng partido “for convenience” kaysa sa bigyang-bigat ang sariling paniniwala.

Ipinapakita rin aniya ng ilang mga pulitiko na palipat-lipat ng partido-pulitikal na sila ay walang “ideological commitment.”

Pagdidiin ni Rep. Arroyo, ang “turncoatism” ay hindi dapat ine-encourage o kaya’y hinayaan na lamang dahil sinisira nito ang konsepto ng “word of honor” at dignidad ng isang tunay na lider.

Sa ilalim ng House Bill ni Arroyo, panahon nang magkaroon ng batas upang maging “loyal” ang mga pulitiko sa kanilang partido, at para maiwasan na ang sistema ng “ward politics” at “political chameleons” na mayroon sa ngayon.



Kapag naging ganap na batas, ang mga balimbing ay awtomatikong aalisin sa kanyang “elective office” o napanalunang posisyon kapag siya ay lumipat o lilipat ng partido isang taon matapos o bago ang eleksyon.

Pagbabawalan ding tumakbo ang pulitiko sa anumang posisyon sa paparating na halalan, maliban pa sa pagbabawalan na maitalaga sa anumang puwesto sa loob ng tatlong taon.

Dagdag sa panukala, ang political turncoat ay hindi maaaring humawak ng posisyon sa lilipatang partido, habang kailangan niyang ibalik ang lahat ng ginastos o ibinigay sa kanya ng partidong iniwan niya kasama ang nasa 25% na surcharge.

Maganda sana ang panukalang ito na inihain ni former President GMA, ang mabigat lamang ay kung makakalusot nga ito at magiging ganap na batas at kakatigan ng nakakaraming mambabatas.

Bakit kamo, una almost majority sa mga mambabatas natin sa ngayon ay” in one time or another” ay naging mga hunyango.

Sumusunod kasi ang takbo ng pulitika natin sa Pilipinas sa kung sino ang nakapuwesto at nasa kapangyarihan.

Kung sino ang mabango sa electorates.

Ika nga, weather-weather lang.

Kagaya ngayong si Pangulong Bongbong Marcos Jr. na ang Pangulo ng bansa, paano na yaong mga miyembro ng Liberal Party (LP) na gusto nang tumalon sa partido ng UNITEAM?

Hindi para maging HUNYANGO kundi maging kapaki-pakinabang sa kanyang mga pinaglilingkuran at pinagmamalasakitang constituents.

Common practice na kasi sa pulitikang Pinoy na sumama sa bandwagon ang mga pulitiko kung sino man ang nakaupo sa poder.

Ika nga, mas magiging epektibo kang mayor o congressman kung malapit ka sa “kusina”!

Mas madaling makahingi ng pabor sa nakaupong administrasyon at ito naman talaga ang nakakalungkot na katotohanan sa sistema ng ating pulitika sa Pilipinas o kung saan mang lupalop ng mundo!

Dapat marahil ay umpisahan muna nating mga botatante na liwanagin at arukin ang kahulugan ng salitang BALIMBING.

Ang katagang BALIMBING in the first place ay salitang negatibo at masakit sa tenga.

Bad vibes perse!

Para sa atin, katumbas ito ng katagang DOBLE-CARA o hunyango na kung saan nakakapit o nakadikit ay yaon ang kulay.

May iba namang pulitiko na walang kinaaanibang political color maliban sa kapakanan ng kanilang mga kababayan.

Ika nga sa madalas na binibitawang salita ng mga pulitiko natin to quote; “my loyalty to my political party ends, when my responsibility to the people and my country begins”!

Paano na nga kung ganyang linyahan ang idadahilan at ipapalusot o gagawing alibi ng ating mga pulitiko ha Congresswoman Gloria Macapagal Arroyo ma’am?

How can we draw the line?

Ano nga ba ang mas importante at sagrado Ginang Arroyo maam, ang interest ng partido o interest ng bansa at taongbayan?

Kasama po ninyo ako Cong. GMA sa layong burahin sa balat ng lupa ang mga taong BALIMBING dahil bukod sa nakakabuwisit at sadyang nakakasuka ang mga ganitong uri ng tao,salamin ito ng kanilang pag-uugaling sakim at oportunista.

Ngunit kailangan po muna nating pakalimiing mabuti ang konkretong depinisyon ng salitang BALIMBING!

Until such time, marahil ay saka pa lamang tayo maniniwala na magiging ganap na epektibo ang inyong isinusulong na panukalang batas.

Napakarami na po tayong mga batas Madam Senior Deputy Speaker , libu-libo to be exact,pero pawang mga inutil dahil di po angkop sa lipunang Pilipino.

***

PARA SA INYONG KOMENTO, REAKSYON AT SUHESTIYON, MAGTEXT O TUMAWAG LAMANG SA CP. 0917-823-9628 O MAG-EMAIL LAMANG PO SA mhelbaraquiel1027@gmail.com