Para mahikayat ang mga residente: Mayor Honey, dadalasan ang bisita sa mga Bgy. upang personal na magbakuna
Advertisers
INIISIP ni Manila Mayor Honey Lacuna na dalasan ang pagbisita sa mga barangay upang personal na magbakuna at upang mahikayat din ang mga residente na tumanggap ng booster shots.
Ginawa ni Lacuna ang pahayag matapos na pangunahan ang paglulunsad ng “PinasLakas” vaccination campaign kamakailan sa isang barangay sa Paco, Manila.
Kaisa ng unang babaeng alkalde ng kabisera ng bansa ang mga national health authorities sa pagtugon na hikayatin ang eligible population na magpa-booster shots sa pamamagitan ng kampanya na tatagal ng 100 araw.
Ayon kay Lacuna, inuna nila ang mga senior citizens para mabakunahan habang hinihimok ang lahat ng mga fully vaccinated na magpa-booster.
Bilang isang doktor, binigyang diin ni Lacuna ang kahalagahan ng mabakunahan maging ito man ay primary o booster, bilang karagdagang proteksyon kontra COVID-19.
Nabanggit ng alkalde na nang bumisita siya sa isang barangay upang suportahan ang pagbabakuna kung saan siya mismo ang magbabakuna ay napuna niya na 10 tao lamang ang nakalista, pero lumobo ito nang dumating at makita na siya ng mga tao.
“Nung makita ako, dumami kaya mas dadalasan ko, ako na mismo ang bibisita sa inyong barangay para mas makahikayat ng magpa-pabakuna, “ sabi ni Lacuna.
Matatandaan na kahit na noong kasagsagan ng pandemya si Lacuna mismo ang personal na nagbabakuna sa iba’t-ibang itinakdang mga vaccination sites.
Nagsagawa din si Lacuna ng home service vaccination para sa mga residenteng bedridden o walang kakayanang pisikal na pumunta sa vaccination hubs. (ANDI GARCIA)