Advertisers

Advertisers

AGRI PRODUCT SMUGGLERS, LAGOT KAYO KAY COMM. RUIZ

0 300

Advertisers

AYAN na, lagot na ang mga agri product smugglers, kasi totohanan na ang paghabol sa inyo ng Bureau of Customs (BoC).

Alam nyo ba, 71 tao — importer, exporter, customs broker ang umiinit ng puwet sa hinaharap nilang 25 kasong kriminal sa ilegal na pagluluwas at pag-angkat ng mga produktong agrikultura na ang iniwasang buwis na P186.98 milyon, bukod ang P76-M na iba pang bayarin sa gobyerno.

Sa report nga ng BoC, mula Enero at Agosto 7, 2022, nasa P701.82-M ang halaga ng nakumpiskang kontrabandong agri products — na kung hindi nakalusot, tiyak na bumaha sa mga palengke natin, at ang naperwisyo ay ang ating lokal na magsasaka.



Tama ang desisyon ni Pangulong Bongbong Marcos na siya muna ang maupong Agri Secretary kasi malaking problema natin ang food security — na kapos na nga, kung mayroon man, sobrang taas ng presyo na sakit ng ulo nating mahihirap.

May ginawa nang profiling ng mga ismagler at balita natin, ito ay agad na isusumite ni Customs Commissioner Yogi Filemon Ruiz kay PBBM, kaya lagot kayo, lalo na at galit na galit sa mga ismagler si Justice Secretary Boying Remulla.



May paglalagyan na kayo — e saan pa, kungdi sa kulungan.

Panay na rin ang ginagawang examinasyon at inspeksiyon ng tropang Intelligence and Enforcement unit sa mga container van at sa mga bodega at sa lahat ng exit at entrance sa mga pantalan sa bansa.



At alam nyo ba, maraming opisyal at tauhan ng BoC ang iniimbestigahan na sa mga kasong katiwalian at krimen na pakikipagsabwatan sa mga ismagler, panghihingi at pagtanggap ng suhol.

Para rin matiyak na hindi maida-divert sa kung saang bodega ang mga container ng agri products, gumagana na ang electronic tracking of containerized cargoes (ETRACC) system, kaya ‘yung magpapalusot, mayayari kayo.

Mayroon na ring mahigpit na koordinasyon ang Customs at Department of Agriculture (DA) para magpalitan ng intelligence information at mga dokumento para mabantayan nang husto ang pagpasok at paglabas ng mga produktong agrikultura sa bansa.
***
Alam nyo ba, mga masugid kong tagasubaybay, mahigit sa 90 porsiyento ng ginagamit nating asin, opo, salt, pampaalat at pampasarap ng ating pagkain e imported na!

Por dios por santo, sasabihin nyo, e paanong nangyari ‘yon e naliligiran ng malawak na tubig-alat ang mahigit sa ating 7,000 isla ang Pilipinas.

Totoo po ito at nakalulungkot na patay, dead nang matagal noon pang 2011 ang local salt industry natin at noong 2012, nagsimula tayong umangkat ng asin.

Nito lang 2021, ayon sa rekord, Australia ang number one exporter ng table salt at iba pang uri ng asin sa atin na nasa 61.51%, kasunod ang China, 23.44%, Thailand, 10.48%, US, 1.27% at Egypt, 1.07%.

Imaginin nyo, yung asin na kaya nating iprodyus sa ating bansa, iniimport pa natin, sanabagan!

Imbes na kumita ang ating mga “asindero”, ano ang nangyari, nangamatay ang pinagkakakitaan nila, at sino ang dapat nating sisihin at paano tayo hindi makapagmumura niyan.

Sa ating research, umaankat din tayo ng asin sa Korea, Pakistan, Italy, Spain, at New Zealand.

Aba, kung ‘yang asin na madali lang nating magagawa rito sa atin, paano pa ang food security natin?

Kaya malaking problema talaga ang food security natin at kung ito lang ay masolusyunan ni Presidente Marcos, ay kaylaki na ng ginhawa natin.

Hindi naman magagawa ito ng ating pangulo nang siya lamang at ang kanyang Gabinete, kailangan nating lahat na makiisa sa hangad ng programa ng ating bagong gobyerno.

Tumulong tayo at ‘wag iasa ang lahat sa pamahalaan.
***
Wow, salamat naman sa malasakit ni Mayor Honey Lacuna sa mga senior citizens at person with disability (PWD) at ng kompanyang Shakeys-Pizza Asia.

Sa isang Memorandum of Agreement ng city government at ng Shakeys, mag-eempleyo ng isang SC at PWD sa 10 Shakeys store sa Maynila, o di ba ang ganda nito.

Aba, yung iba pang business establishment sa Maynila at sa iba pang siyudad, gayahin nyo ang ginawa ni Mayora Honey, kasi sa totoo lang, may kakayahan, maysilbi po at hindi papayag na maging pasanin pa ng kapamilya ang mga seniors at PWDs natin na gustong magtrabaho.

Kay Manila Mayor Honey Lacuna at Shakeys, maraming salamat sa inyong malasakit, mabuhay po kayo!
***
Hmmm, alam nyo ba, ayon sa ating spy, aba, ilang department heads at tauhan sa Imus (Cavite) City Government ay nasa floating status at iniimbestigahan kasi, sangkot daw sa anomalya?

Nagkamal raw ng milyones sa kabangyaman ng Imus ang ilang department head nito na sa ngayon ay iniimbestigahan na.

Pag nagkataon, bukod sa pagkumpiska sa inyong illegal and hidden wealth, hoyo kayo sa loob ng piitan.

Kung ako kay Mayor Alex Advincula aka Mayor AA ay papangalanan ko na ang mga nagnakaw na yan, ngayon na!
***
Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon ay mag-email lang sa bampurisima@yahoo.com.