Advertisers
Sugatan ang mag-asawang sakay ng kanilang sasakyan nang sumalpok ito sa isang trak ng basura sa Cainta, Rizal nitong Linggo ng umaga.
Nangyari ang aksidente sa Imelda Avenue sa Barangay Sto. Domingo.
Wasak ang harapan ng Mitsubishi Adventure ng mag-asawa.
Ayon kay JL Santos ng Cainta Municipal Protection and Safety Office, naipit ang dalawang biktima.
Kinailangan pa nilang gumamit ng spreader cutter para mailigtas ang mag-asawa.
Nagtamo ng sugat sa ulo at bali sa tuhod ang mga biktima.
Nadala ang mga biktima sa Cainta Municipal Hospital at doon nilapatan ng lunas.
Ayon sa mga nakasaksi sa insidente, mabilis ang takbo ng sasakyan ng mga biktima bago nangyari ang aksidente.
Ayon kay Santos, inamin ng babaeng biktima na nakainom sila.