GM Chiong nanawagang gayahin ng mga empleyado ang katapatan ng isang building attendant
Advertisers
Ipinanawagan ni Manila International Airport Authority (MIAA) general manager Cesar Chiong sa lahat ng kawani ng MIAA na tularan ang katapatang ipinakita ng isang building attendant ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 1 matapos itong magsauli ng mga dokumento at P20,500 cash na naiwan ng isang Hapon na pasahero kamakailan.
Nagpahayag ng ibayong ‘pride’ at kagalakan si Chiong na sa kanyang mga unang araw ng panunungkulan ay sinalubong siya ng mabuting balita ng pagpapakita ng kabutihang-loob ng isang empleyado ng airport, sa isang press conference kung saan dumalo rin si public affairs office chief Ma. Consuelo Bungag.
Ani Chiong, hindi lamang ang pasaherong si Maeda Tatsuya ang natuwa kay Nelson Palo, building attendant (BA) ng Omniworx, matapos makuhang muli ang mga dokumento at pera na kanyang naiwan sa counter ng immigration area, nang mag-fillup ng immigration embarkation card pagdating niya 4:12 p.m. noong Sabado.
Sinabi ni Chiong na ang buong pamunuan ng MIAA ay nakaramdam din ng ibayong tuwa at ‘pride’ sa ipinamalas na kabutihan ni Palo kung kaya’t ito ay kanyang ginawaran ng parangal sa isang simpleng seremonya sa NAIA.
Matatandang naiwan ni Tatsutya ang plastic folder na naglalaman ng documents at white envelope kung saan naroon ang cash na peso bills.
Nang magtanong-tanong si Palo at walang umako ay ibinigay niya ito sa Intelligence Investigation Division (IID) Lost and Found Section at inimbentaryo ng IID staff na sina Jude Rendell at Alejada Dabi ang mga laman ng nasabing folder.
Nakilala ang may ari ng folder base sa Health Pass at e-ticket (JL0741) na may petsang August 5, 2022 na nagsasabing dumating siya sa Manila dakong 1:30 p.m.
Agad na inabisuhan si Tatsuya sa pamamagitan ng kanyang email address at personal itong nagtungo sa NAIA terminal 1 IID lost and found section upang kunin ang mga naiwan niya doon. (JERRY S. TAN/JOJO SADIWA)