Advertisers
AKSIDENTE rito, aksidente roon, puro aksidenteng di lamang nakapinsala sa mga aria-arian, nagdulot ng nakababangungot na trapiko at higit sa lahat kumitil ng buhay ng mahigit sa isa at kalahating milyon na inosenteng mamamayan.
Kung ang pagbabatayan ay ang datus sa mga aksidenteng naganap sa lansangan ay pumapalo sa 1.35 million katao ang namamatay sa buong mundo sa aksidente sa lansangan kada taon.
Ayon pa sa nakalap ng National Electronic Injury Surveillance System (NEISS) sa pagitan pa lamang ng 2010 to 2019, ang pangunahing sanhi ng aksidente ay pagmamaneho habang nasa impluiwesya ng droga o alak, paggamit ng mobile phone, di pagsusuot o walang seatbelt at helmet.
Karamihan sa mga biktima ay mga lalaking driver na may bilang na 72.45 percent sa kabuang 45.6 na porsiyento na nangamatay.
Ang mga nasawi sa tinatawag na transport vehicular crashes ay kalimitang nagaganap sa pagitan ng 6:00 pm – 5:00 am lalo na sa panahon ng pagliliwaliw o katulad nitong mga aktibidad.
Hindi mapapasubalian ang naturang datus pagkat mga ekspertong statistician mula sa National Institutes of Health, University of the Philippines Manila, Department of Emergency Medicine and Department of Surgery, College of Medicine ng Philippine General Hospital, University of the Philippines Manila , School of Labor and Industrial Relations at University of the Philippines Diliman.
Samantala ang limang pangunahing mga uri ng behikulo sa kabuuang labing isa na nasasangkot sa traffic vehicular crash sa Metro-Manila at kanugnog na lugar, batay naman sa datus ng Statista Research Department nitong 2022 ay kotse-48.11%, motorcycle-8.8%, van-5.87% at Taxi/Fx 2.97%.
Pang-apat na nga ang van sa kalimitang nasasangkot sa mga aksidente na kumitil na ng maraming buhay. Ngunit sa kabila ng nakabulagang katotohanang ito ay patuloy pa rin ang operasyon ng mga walang kaukulang franchise na passenger van hindi lamang sa kamaynilaan kundi kalakhang Luzon at sa halos saan mang sulok ng bansa.
Ang pinakahuling insidente ng maramihang pagkasawi ng mga inosenteng commutters na kinasasangkutan ng isang passenger van ay naganap ilang araw pa lamang sa General Santos City kung saan ay pito katao ang namatay habang anim na iba pa ay malubha namang napinsala. `
Kinumpirma naman ni General Santos City Police Chief, Col. Paul Bometivo, na mga nasawi ay kabilang sa 10 pasahero ng passenger van na patungo sa Gensan buhat sa Davao City nang makabanggaan ang isang ten-wheeler truck. Kagyat na nalagutan ng hininga ang pito sa mga biktima.
Ang nasabing aksidente ay siyang pinaka-grabe sa kasaysayan ng nasabing siyudad. Sadya namang di pinangalanan ng inyong lingkod ang mga biktima sa nabanggit na insidente.
Nakaatang ngayon sa balikat ni Department of Transportation Secretary Jaime J. Bautista kung papaano nito pakikilusin ang kanyang mga opisyales at tauhan Land Transportation Franchising and Regulatory Board ( LTFRB) kung para susugpuin ang mapanganib na operasyon ng mga kolorum na passenger van.
Kailangan magpakatotoo si Sec. Bautista sa kanyang pangako na ipagkakaloob sa mga mamayan ang abot-kaya, komportable at ligtas na transportasyon sa buong bansa nang idaos ang kaunaunahang flag raising ceremony sa ilalim ng kanyang liderato ilang araw pa lamang ang nakararaan.
Inungkat ni Sec. Bautista kay Atty. Cheloy Velicaria-Garafil, ang katatalagang LTRFB administrator, ang mandato nito salig sa tagubilin ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos: “Padaliin ang proseso sa LTFRB, siguraduhin ang agarang pagbibigay sa mga driver ng anumang tulong ibibigay sa kanila at isaalang-alang palagi ang kapakanan ng mga mananakay,”.
Ngunit tanong natin kay Sec. Bautista, papaano naman kung ang publikong mananakay natin ay nakalulan sa mga kolorum van, ano naman kayang proteksyon ng balana nating kinabibilangan nina Maria at Juan?
***
Para sa komento: CP # 09293453199 at 09664066144; sikretangpinas@gmail.com.