Advertisers
MARAMING kaganapan sa bansa mula kalikasan, maging sa gawa ng tao ang sumusubok kung paano gumalaw o tumugon ang kasalukuyang pamahalaan. Nariyan na binubugbog ang Hilagang Luzon ng kung anu- anong unos mula ng maupo ang anak ti Batac na si Boy Pektus sa puno ng Balite sa Malacanan. Sinimulan ito sa malalakas na ulan at karaka ang malakas na lindol, at heto naman ang bagyo na binubulabog ang lugar sa ‘di malamang dahilan.
Tila nabawasan ang hagupit ng kalikasan sa katimugang bahagi ng bansa at natuon ang ngitngit sa lugar kung saan makikita ang bakas ng lahi ni Boy Pektus. Mukha isa itong babala sa Hilagang Luzon na kailangan ang labis na pag-iingat dahil simula pa lang ito ng maraming pagsubok na kahaharapin sanhi ng maling pagpili sa nakaraan. Dala ng sanlumikha ang pagsubok na kung maganda ang tugon ng inyong ibig na pangulo makakamtan ang maalwan na kinabukasan, na dapat ipagdasal at inaasahan para sa kinabukasan ng bayan at mamamayan.
Sa pagsubok na kinakaharap, may mga maliliit na usapin na kinakaharap ng kasalukuyang administrasyon lalo sa pagtaas ng mga presyo ng iba’t – ibang bilihin. Nariyan ang usapin sa pag-aangkat ng mga kailangan ni Mang Juan para sa araw-araw tulad ng bigas, asukal at ngayon pati ang asin. Tila hirap ang Kalihim ng Kagawaran ng Agrikultura kung paano itatawid ang anim na taon lalo’t ang 31M na manghahalal ay ‘di malaman kung paano pagkakasyahin ang kakarampot na sahod kontra sa mahal na bilihin. At nariyan na ang maraming naghaharimunan ang pinagbabalik ng ayudang natangap dahil sa maling sistema ng kagawaran ng DSWD.
Sa kabilang banda, makapagbalangkas na ang economic team ni Boy Pektus partikular ang DBM ng budget na isusumite sa kongreso para sa susunod na taon. May kalakihan ang panukalang budget na hindi kayang pondohan kung ang pangongolekta ng buwis ang pagbabasehan. Inaasahan na ma-aprobahan ang panukalang budget na P5.268T na 4% malaki sa kasalukuyang budget na P5.026T. Sa panukalang pondo ng gobyerno sa susunod na taon, asahan na hindi lang sa buwis ang pagkukunan, kasama dito ang pangungutang sa mga lokal at International Financial Institutions, maging ang pagbebenta ng ilang ari-arian ng gobyerno upang mapunuan ang kabuuan ng budget.
Base sa projection ng economic team ng pamahalaan, tinatayang aabot sa P3T+ ang makukulekta sa buwis at ito na malamang ang kasagaran sa pagtataya na gaganda ang takbo ng ekonomiya ng bansa. Ang magandang pagtaya ng takbo ng ekonomiyang nakabase sa pagbubukas ng bansa sa lahat ng uri ng pagkakakitaan. Ngunit tila hindi malalim ang pagtatasa dahil sa kaganapan sa kasalukuyan , tulad ng nabangit sa itaas na maaring sumipa hangang sa susunod na taon.
Sa panukalang budget para sa 2023, makikita na hindi sinunod ng DepEd ang ibig ng DBM na P700B+, sa halip itinuloy nito ang panukalang budget na P852B+ na ibig ng Kalihim. Hindi pa kasama dito ang opisina ng Bise-Presidente na maliit lang kung si Inday Sapak ang tatanungin. Sa katunayan nga, umapir pa si Inday Sapak para sa isang virtual budget hearing upang bigyan diin ang hinihiling na pondo para sa Kagawaran ng Edukasyon. Gayung patuloy ang pangangalap ng PTA o mga guro ng pondo upang ipampuno sa ilang gastusin na kailangan sa mga paaralan.
Hindi lang ito, sinasabi ng Kalihim na tunay na kailangan ng mga guro ang laptop para sa mga gawain pampaaralan ng mga ito. Na tila sinasabi na naganap muli ang pagbili ng laptop para sa susunod na taon, gayong tinutulak ang F2F sa mga silid aralan. O may malaking pinaghahandaan ang opisina ng Kalihim ng Edukasyon. Samantala, kapansin pansin sa proposed budget na binawasan ang panukalang budget ng UP system mula P25.61B+ sa P23.1B, dahil ba sa pagiging kritiko ng mga estudyante sa kasalukuyang pamahalaan? Ano masasabi nina Kalihim Pascual at UP Pres. DaniCon sa panukalang ito?
Samantala, P718B+ ang inilaan para sa mga gagawing proyekto na ipatutupad ng DPWH. Malaki ang halaga, gayung batid na maraming proyekto sa panahon ng dating administrasyon ang hindi natuloy sa dami ng aberya. Dahil kailangang matapos ang mga proyekto para sa pakinabangan ng Pilipino. Napaka laki ang pondong inilaan, na ang problema eh kung saan bubunutin ang pondo para sa mga proyektong nais ipagpatuloy. At huwag kalimutan yung SOP ni Edi. Habang sa kabilang dako ng panukalang budget, ang sa Kagawaran ng Kalusugan, tumataginting na PP296.3B ang inilaan ng DBM para dito. Muli dahil may ngalan na UP ang PGH, binawasan ito ng P800M para sa susunod na taon kahit sa ngayon ay kita na ang kakulangan ng pagamutan sa mga gamit.
Batid ba ng DBM na ang PGH ang pangunahing pagamutan sa bansa na tinutularan ng iba. Hindi lang tinutularan, ang pagamutang ito ang siyang puntahan ng mga taong may mga malubhang sakit na kailangan matingnan ng mga dalubhasang doktor. Sa totoo pa rin, ang pagamutang ito’y nangangailangan ng mga bagong doktor at pasilidad sa kapakinabangan ng mga taong salat sa tamang pagtingin sa kalusugan. Wala pa dito ang pondong inilaan sa Philhealth na pambayad sa mga pagamutang matagal ng nagputol ng kanilang accreditation. Habang P197.13B ang inilaang sa DSWD para sa iba’t – ibang uri ng ayuda, relief goods at maging ang 4Ps.
Sa dulo ng baton, kumumpas ng P182.14B ang Kagawaran ni Boy Pektus mula sa P133.2B ng kasalukuyang taon. Malaki ang tinalon sa pondo ng Kagawaran dahil sa maraming balakin ng Kalihim para sa agrikultura ng bansa at ang nasabing pondo’y panimula pa lang sa pag-upo ng Pangulo sa Kagawarang ito. Sa pag lobo ng budget ng Kagawaran, inaasahan dito ang pagbibigay subsidiya sa lahat ng uri ng magsasaka tulad ng binhi, pataba, insecticide, herbicide, at iba pa. Sa kabilang dako, dapat may pondo ilalaan para sa mga mangingisdang madalas na itinataboy sa mga karagatang sakop ng bansa.
May pondo ba para sa mga research entity sa loob ng Kagawaran upang mabigyan pansin ang paglikha ng mga pangangailangan sa mga sakahan. At bago ang huli, may inilaan ang DBM na P4.0B+ na intelligence fund sa opisina ni Boy Pektus na libre sa pagsusuri ng COA.
Sa kabuuan, kitang kita ang paglobo ng budget ng pamahalaan sa susunod na taon. Malaki ang pangangailangan sa pondo ng bawat kagawaran kung pagbabasihan ang hinihiling na P5.26+T, lalo sa serbisyong nais ibigay sa Pilipino. Ngunit sa totoo lang, si Mang Juan, Aling Marya at si Mang Ipe ang papasan nito upang makamit ang panukalang halagang nais ng pamahalaan. Batid ng economic team ni Boy Pektus na hindi sapat ang buwis na pinagkukunan.
Kaya patuloy ang pasanin ng balana’y sa muling karagdagang uutangin at pagbebenta ng mga pag-aari ng pamahalaan. Malinaw na ang pasani’y kaliwa’t kanan ng balikat para sa Budget de Gulat ng pamahalaan ni Boy Pektus. Sa totoo lang, sapat ang planong bayad utang at utang bayad, ang hindi matanggap ang magbenta ng ari-arian ang pamahalaan para sa budget na sa huli’y mapupunta sa lukbutan ng kung sino man…
Maraming Salamat po!!!