Advertisers

Advertisers

TUNAY NGA BA NA MAY KALAYAAN ANG PILIPINAS?

0 266

Advertisers

NOONG panahon ni Chairman Mao Tse Tung ng Communist Party ng China, galit na galit ito sa mga imperyalista, na ang lider ay ang US, pero ngayong wala na si Mao, ang dating komunistang Red China ay nagbago na ng ideolohiya at sistemang kapitalismo na ang pinaiiral.

Pagkubkob sa mahihinang bansa ang ideolohiya ng mga imperyalista, at ito ngayon ang ginagawa ng China sa Pilipinas.

Maraming ulit nang binabarako, dinadarag at pinagmumukhang sisiw ng neo-kapitalistang China ang Pilipinas, maraming isyu ng pagtataboy sa ating Coast Guard at Navy Ships at sa ating mga mangingisda sa West Philippine Sea (WPS).



Teritoryo ng Pilipinas ang WPS pero inaangkin ng China at ginagawa ito sa ilegal na paraan sa pamamagitan ng pagpapakita ng lakas militar nito – na aminado ang bansa na hindi natin makakayang sagupain kung dumating sa digmaan ang pagreresolba sa isyung ito.

Lehitimo at tunay na pag-aari ng Pilipinas ang WPS na inaangkin nga ng China at ngayon ay ilegal na pinangingisdaan ng Chino.

Pero may obserbasyon ang pitak na ito sa patuloy na pananahimik ng militanteng grupo sa ginagawang pananakop ng China sa ating karagatan, pati ang US na kaalyado ng Pilipinas ay nanatiling “urong-sulong”, wari ay iniiwasan munang magpahayag ng todong pagkampi sa atin, na obligadong sundin at gawin ni Uncle Sam batay sa Mutual Defense Treaty nito kay Juan dela Cruz.

Tiyak talo tayo kung giyera ang pag-uusapan, kaya sa paraang diplomatiko idinadaan ang isyu ng WPS, kaso, ayaw ng China.

Kung makukuha nga naman ng China ang ilang pang bahagi ng karagatan sa WPS na tunay pag-aari ng Pilipinas, ang susunod ay ang pag-angkin ng China sa Palawan, at sa susunod maging ang Boracay at ang Manila Bay.

Bangungot ito na kaylagim na isipin.
***
Tunay nga bang “kalayaan” ang nangyari noong Hunyo 12, 1898?



O, ang araw na iyon ay araw na dito, “naipagbili” ang aking mga pangarap bilang isang bansa at lahi?

Tara masugid kong tagasubaybay, buklatin natin ang mga pahina ng ating kasaysayan.

Ang unang bugso ng pagpapahayag ng nais nating makalaya sa kuko ng mapanlupig na kolonyalistang Espanya ay nangyari maaaring Agosto 23 o kaya Agosto 26, nang sabay-sabay na pinunit ng mga manghihimagsik ang kanilang mga sedula sa pamumuno ni Gat Andres Bonifacio at mga kasapi ng Kagalanggalangan Kataastaasang Katipunan ng mga Anak ng Bayan (KKK).

Sinasagisag ng pagpunit sa sedula ang pahayag ng kasarinlan mula sa Espanya, na sunod-sunod na naganap sa Pugad Lawin (Balintawak), Kangkong, Bahay Toro at sa Pasong Tamo – lahat ng lugar na ito ay nasasakop ngayon ng Lungsod Quezon.
***
Ano ba sa mga Pilipino noon ang sedula?

Napakahalaga nito na sa panahon natin, maitutulad ito sa isang pasaporte; isa itong opisyal na identification card, kumbaga sa ating panahon.

Noon, ang pagsira o pagpunit sa sedula ay katumbas ng krimeng sedisyon, at ito ay may katumbas na napakabigat na parusa.

Ayon sa mga aklat ng kasaysayan, kasunod o bago pinunit ng mga Katipunero ang kanilang mga sedula ay isinigaw nila ang pagpapahayag ng pagtutol, pagkamuhi at ang naisin na pumiglas sa mahabang panahon ng pagkaalipin sa gobyerno ng Espanya.

Deklarasyon iyon ng kasarinlan o ng kalayaan at pagpapatunay na ang mga Pilipino noon ay matagal nang nagnanais na makalaya.
***
Ang KKK o Katipunan na pinamumunuan noon ni Andres Bonifacio ang nagsindi ng mitsa ng rebolusyon na unang sumiklab ang madugong digmaan noong 1896 at natapos sa ikalawang yugto noong 1898.

Lubos, lantay at dalisay ang pagpapahayag ni Bonifacio ng kalayaan ng Pilipinas sa kolonyalistang Espanya, pero naiiba ang kalayaang inihayag ni Gen. Emilio Aguinaldo sa Kawit.

Kalayaan nga ba ito o pagpapatunay na huwad ang kasarinlang iyon pagkat kasabay nito, naideklara na ang pagiging “protektadong teritoryo” ang Pilipinas ng bagong mananakop, ang US.

Hanggang ngayon, tayo ay protectorate ng US – na ayon sa international law, ang isang protektadong teritoryo ay nasa pangangalaga ng isa pang bansa, sa paraang diplomatiko o sa pagsakop sa paraang militar.

Kung susuriing mabuti ang kasaysayan, ang pahayag ng “kalayaan” noong Hunyo 12,1898 ay isang huwad na kasarinlan, batay sa mga tunay na pangyayari.

Maraming bahagi ng bansa noon, lalo na ang pasigan ng Maynila at ng Cavite ay nasa kamay na ng hukbo ng US, sa pangangasiwa ni Admiral George Dewey ng US Naval Fleet na nakaangkala sa Maynila Bay.

Dumating sa bansa si Aguinaldo sakay ng barko ng US mula sa Hong Kong noong Mayo 1898 at kailangan pang humingi ng permiso ang heneral na makababa sa pasigan ng Bacoor.

Alam ba n’yong labis na tinutulan ni Apolinario Mabini, ang henyong abogado ng Rebolusyon sa plano ni Aguinaldo na magdeklara ng Kalayaan?
***
Itinuro ng kasaysayan na “inismiran” lang ng US ang pahayag na kasarinlan ni Aguinaldo, at nong 1899, sumiklab ang digmaan ng Pilipino-Amerikano na natapos nang lubos na matalo ang pangkat ng rebolusyonaryong Pilipino noong 1902.

Sa giyerang ito, tinatayang umaabot sa 600,000 hanggang isang milyong Pilipino ang namatay, at ito ay katumbas ng ika-10 bahagi ng buong dami ng mga Pilipino noong panahong iyon.

Oo, “pinalaya” tayo ng US nang ibalik ang kalayaan sa politika noong Hulyo 4, 1946, pero bago ito ginawa ng mga America, tiniyak nila na ang buong bansa ay nakasandig, nakasampay at ganap na umaasa sa lahat ng bagay sa kapangyarihang militar, kabuhayan at maging sa kultura o kaisipang Amerikano.

Hanggang ngayon, kumbaga sa isang sanggol, maitutulad tayo sa karakter sa komiks na si “Bondying” na bagaman at matanda na, laging umaasa sa dede o gatas na ibibigay ng pamahalaang US.

Nagsasarili man tayo sa politika, sakal na sakal pa rin tayo ng kapangyarihang militar, politikal at ekonomya ng US at tulad ni Bondying, hindi tayo makatatayo sa sariling paa kungdi tayo bibigyan ng saklay o tulong ng US.

Ngayon ang tanong: Malaya nga ba tayo?
***
Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon ay mag-email lang sa [email protected].