Advertisers

Advertisers

BONG GO, IKINABAHALA PAGBABALIK NG ‘NINJA COPS’

0 152

Advertisers

IKINABAHALA ni Senator Christopher “Bong” Go ang ulat na pagbabalik ng “ninja cops” o mga pulis na sangkot sa iligal na droga sa bansa.

Kaya naman hinimok ni Go ang pamunuan ng Philippine National Police at Department of the Interior and Local Government na patuloy na panatilihin ang disiplina sa hanay ng pulisya.

“Trabaho po ng pamunuan ng PNP and of course, ang ating secretary of DILG na silipin, tingnan nang mabuti at disiplinahin ang kanilang hanay kung sakali mang totoo na bumalik ang ninja cops,” sabi ni Go sa ambush interview matapos mamahagi ng ayuda sa mahihirap na residente ng Sablayan, Occidental Mindoro.



Noong Oktubre ng taong ito, nasakote si M/Sgt. Rodolfo Mayo Jr. ng PNP Drug Enforcement Group sa isang drug bust at nasamsaman ng P6.7 bilyong halaga ng shabu. Kinastigo ito sa Senado ni Senator Ronald dela Rosa, tagapangulo ng committee on public order and dangerous drugs.

Sinabi ni Dela Rosa na napag-usapan na nila ni Interior Secretary Benhur Abalos ang isyu at nagbigay sa kanya ng kasiguruhan ang kalihim na ang departamento ay hindi nagpapabaya sa nasabing usapin.



Ipinahayag din ni Dela Rosa ang kanyang pagsang-ayon na sinisikap ng kasalukuyang pamunuan ng pulisya na masawata ang mga tiwaling pulis na sabit sa droga.

Samantala, sinabi ni Go na sa kabila ng aksyon ng ilang hindi tapat na pulis, mas marami ang mga mapagkakatiwalaang opisyal na gumaganap ng kanilang tungkulin nang may katapatan at integridad.



“Disiplinahin po, mas alam po nila ang kanilang trabaho. Ako naman, naniniwala akong mas maraming pulis na matitino, maaayos magtatrabaho lalung-lalo na po noong panahon ni (dating) Pangulong (Rodrigo) Duterte, talagang disiplinado ang mga pulis,” sabi ni Go.

Kinilala rin ni Go ang papel ng PNP sa pagsugpo sa krimen, iligal na droga, at terorismo sa bansa, sa pagsasabing kuntento siya sa kanilang mga nagawa. Kumpiyansa rin siya na magagawa ng institusyon na linisin ang hanay nito at labanan ang katiwalian.

“Hindi magiging successful ang kampanya ni (dating) Pangulong Duterte na labanan po ang iligal na droga at kriminalidad kung hindi po sa tulong ng ating mga pulis. Ako po ay naniniwala na kaya ng PNP na linisin ang sarili nilang hanay,” anang senador.

Bago pa man maupo sa Senado, naging instrumento si Go, siyang Special Assistant noon ni Pangulong Duterte, sa pagsusulong ng pagtaas ng suweldo ng lahat ng militar at unipormadong tauhan sa gobyerno.

Inihain din ni Go ang Senate Bill No. 422 na magbibigay ng libreng legal na tulong sa sinumang opisyal o enlisted personnel ng Armed Forces of the Philippines o PNP na nahaharap sa mga kaso sa piskalya o korte may kaugnayan sa pagganap sa opisyal na tungkulin.