Advertisers

Advertisers

Siksikan sa mga piitan ng BJMP, malaki ang ibinaba

0 10

Advertisers

MALAKING tagumpay ang nakamit ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) sa pagtugon sa matagal nang suliranin sa pagsisiksikan sa mga piitan matapos nitong mapababa ang overcrowding rate mula 330% noong 2023 tungo sa 281% ngayong taon.

Ang naturang milestone ay kabilang sa mga pangunahing accomplishment na ibinahagi sa pagdiriwang ng ika-35 Anibersaryo ng kawanihan na idinaos sa M.I.C.E. Building sa Quezon City Hall compound nitong Miyerkules, Hulyo 1, 2026.

Dumalo rin sa aktibidad sina Deputy Chief of Operations (DCO) Chief Supt. Efren Nemenio, Chief Directorial Staff (CDS) Chief Supt. Clint Russel Tangeres, at iba pang matataas na opisyal ng ahensya.

Hindi naman nakarating ang Guest of Honor at Speaker na si Interior and Local Government Secretary Jonvic Remulla, at kinatawan na lamang ni Asst. Secretary for Public Safety Richard Joson.

Si BJMP Officer-in-Charge, Chief Supt. Dennis Rocamora, na siya ring Deputy Chief for Administration (DCA), ang naglahad ng ulat ng mga sama-samang tagumpay ng ahensya.

Ayon kay Rocamora, sa nakalipas na 35 taon, patuloy na umunlad at nagpalakas ng kapasidad ang BJMP upang gampanan ang mandato nitong kalingain at ihanda sa pagbabago ang mga persons deprived of liberty (PDLs) habang pinapanatili ang kaligtasan at seguridad ng publiko.

Ipinaliwanag niya na ang mga programa sa pagpapatayo ng mga pasilidad at pinalakas na paralegal intervention ang naging susi sa patuloy na pagbaba ng congestion rate: mula sa mataas na 330% noong 2023, naging 314% ito noong 2024, 292% noong 2025, at bumaba pa sa 281% ngayong 2026.

May kabuuang 92,084 PDLs ang napalaya sa pamamagitan ng mga serbisyong paralegal, sa pakikipagtulungan sa mga korte, Public Attorney’s Office (PAO), Integrated Bar of the Philippines (IBP), mga law school, at iba pang katuwang na ahensya upang mapabilis ang paglitis sa mga kaso.

Sinabi ni Rocamora na malaki ang naitulong ng mga hakbang na ito upang mapaluwag ang iba’t ibang pasilidad ng kulungan sa bansa. Bukod dito, pinalakas din ang mga programang pang-edukasyon ng BJMP sa mga nakalipas na taon upang maging produktibo ang mga PDL habang naghahanda sa muling pagbabalik sa lipunan.

Ngayong taon, umaabot sa 18,691 PDLs ang naka-enrol sa Alternative Learning System (ALS)—4,973 sa elementarya, 7,990 sa junior high school, at 5,728 sa senior high school.

Sa ilalim naman ng programang College Education Behind Bars, 844 PDLs ang kasalukuyang nag-aaral sa kolehiyo, kung saan 121 sa kanila ang opisyal nang nakapagtapos.

Ayon kay Rocamora, patunay ito na ang pagkabilanggo ay hindi hadlang upang ang isang tao ay matuto at magsumikap para sa mas magandang kinabukasan.

Naging abala rin ang mga PDL sa mga inisyatiba sa pangkabuhayan at skills development, kung saan may average na 51,565 bilanggo ang nakinabang sa ,2860 livelihood at income-generating projects.

Pinuri rin ang mga jail warden sa kanilang mahigpit na kampanya laban sa pagpupuslit ng mga kontrabando, partikular na ang mga ilegal na droga at nakamamatay na sandata.

Dahil dito, idineklara ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang 256 na pasilidad bilang drug-free at 78 na pasilidad bilang drug-cleared, habang nanatili namang minimal at agad na napigilan ang mga riot o gulo.

Tiniyak ni Rocamora na patuloy na ipatutupad ng BJMP ang mga programang kapaki-pakinabang sa mga PDL tulad ng E-Dalaw, Therapeutic Community Modality, at mga espiritwal na interbensyon.

Sa huli, binigyang-pugay niya ang dedikasyon, katatagan, at sakripisyo ng bawat tauhan na nag-ambag sa tagumpay ng BJMP.

“Sa paglipas ng panahon, nawa’y patuloy na magsilbing gabay sa ating paglilingkod ang disiplina at responsibilidad sa serbisyong may kredibilidad,” pahayag pa ni Rocamora.