Advertisers
MALAKI o maliit man ang halaga ng salapi ay hindi ipinagpalit ng isang opisyal ng Philippine National Police (PNP) ang katapatan nito sa mamamayan matapos na isauli sa isang retiradong sundalo ang napulot nitong pitaka habang naglalakad sa bangketa na nasa kahabaan ng Lawton Avenue, Fort Bonifacio, Taguig City.
Ayon sa report na natanggap ni Southern Police District (SPD) Director PBGen Kirby John Brion Kraft, hindi matatawaran ang kabutihang ginawa ni PLTCol Brigido T. Salisi, Deputy DCD kung saan habang siya ay naglalakad bandang alas-7:15 ng umaga sa kahabaan ng Lawton avenue ay nakita niya sa bangketa ang isang pitaka na naglalaman ng ilang identification cards at Pph 3,000 cash money.
Kinilala ng pulisya ang may-ari na si Elmer Adlaon Cadelina, isang retiradong miyembro ng Philippine Marines na bagama’t nagkaroon agad ng komunikasyon subalit parehong abala ang dalawa nitong Bagong Taon ay nagkaroon naman nang pagkakataon na sila ay magkita sa SPD headquarters.
Personal na inabot nina PCol Arlene Castor, chief DCD at PLTCol Salisi kay Cadelina ang napulot na pitaka kung saan ay pinuri at lubos ang pasasalamat ng dating sundalo.
Ipinagmalaki naman ni Kraft ang simpleng pagkilos na ito at katapatan ni Salisi bagay na nagpapakita ng mataas na paggalang ng mga alagad ng batas,hindi lamang sa kanilang mga ‘kabaro’kundi sa iba pang miyembro na unipormado na nagseserbisyo sa pamahalaan. (JOJO SADIWA)