Advertisers
IPINANGAKO ni Department of Migrant Workers (DMW) Secretary Susan “Toots” Ople nitong Lunes ang hustisya para sa napatay na overseas Filipino worker na si Jullebee Ranara nang makiramay sa naulilang pamilya ng OFW.
Ayon sa DMW, natagpuan ang nasunog na bangkay ng 35-anyos na domestic worker noong Linggo sa disyerto.
Dagdag ng ahensya, ang anak ng amo ng biktima ay inaresto ng mga awtoridad ng Kuwait.
Nakipag-ugnayan na rin si Ople sa pamilya ng OFW.
Bukod sa hustisya, nangako rin si Ople ng tulong sa pamilya ni Ranara. Sa ngayon hinihintay pa ng DMW ang opisyal na ulat sa insidente mula sa foreign authorities.
Hiniling naman ng pamilya ni Ranara ang privacy habang sila ay nagdadalamhati.
Mariing kinondena ng DMW ang karumal-dumal na krimen at nanawagan sa gobyerno ng Kuwait na pagsikapan ang maagang pagresolba ng kaso at dalhin ang mga salarin sa hustisya.
Bukod sa DMW, sinusubaybayan din ng Department of Foreign Affairs ang mga development sa kaso at nakikipagtulungan din sa mga awtoridad ng Kuwait.
Sinabi ng DMW na sisikapain nilang maiuwi ang lahat ng mga distressed overseas Filipino workers (OFWs) sa Kuwait sa katapusan ng Enero. (Jocelyn Domenden)