Advertisers

Advertisers

NAISAHAN ANG TSINA

0 301

Advertisers

CHECKMATE ang Tsina. Dahil sa labis na bilib sa sarili, hindi alam ng Tsina na naisahan sila ng Estados Unidos. Mula sa dating limang base militar sa Fiipinas na maaaring gamitin kung sumiklab ang digmaan sa South China, naging siyam na ngayon ang base military dito na maaaring gamitin ng Washington sa pagharap sa hamon ng Tsina.

Gamit ang 1951 Mutual Defense Treaty sa pagitan ng Filipinas at Estados Unidos kung saan obligado tumulong ang magkabilang panig kung sakaling atakihin ng dayuhan puwersa at ang 2014 Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA) kung saan nagkasundo ang dalawang panig na dagdagan ang pagtatanggol sa anumang atake, idinagdag ang mga base militar sa Isabela, Palawan, Cagayan, at Nueva Ecija sa naunang limang base upang ganap na malakas ang Filipinas sa pagharap sa banta ng Tsina.

Hindi sinabi kung ano ang mga base militar sa bagong apat, ngunit malinaw ang bumisitang Lloyd Austin, ang kalihim ng Tanggulan ng Estados Unidos, sa pangangailangan na palakasin ang puwersa ng Estados Unidos sa Filipinas. Direktang nakaharap sa South China Sea ang base militar sa Palawan, sa Taiwan ang base militar ng Cagayan at Isabela.



Wala nagawa ang Tsina sa deal na isinara ni Lloyd Austin at Carlito Galvez noong nakaraang linggo. Walang ginawa ang Beijing kundi magbabala na mag-ingat ang Filipinas sa Estados Unidos na may sariling agenda umano. Maluwag sa kalooban na tinanggap ni Pangulong Bongbong Marcos ang deal. Sa harap ng nagkikislapang kamera, tinanggap niya si Austin sa isang pulong sa Malacanang.

May limang base militar natin na may ugnay-daluyan (access) ang mga puwersang Amerikano: Kampo Antonio Bautista sa Palawan; Kampo Cesar Basa sa Pampanga; Forst Magsaysay sa Nueva Ecija; Lumbien Air Base sa Cagayan de Oro City; at Kampo Benito Ebuen sa Cebu City. Hindi sinabi kung gaano ang puwersang ilalagak ng Estados Unidos, ngunit labis na pinangangambahan ng Tsina ang ganito sapagkat hindi nila maigigiit ang gusto nila na mangyari.

Kinakamkam ng Tsina ang halos kabuuan ng South China Sea batay sa teyoryang “Nine Dash Line” na nagsasabing may batayan pangkasaysayan na pag-aari ng Tsina ang malaking karagatan sa katimugan. Pinagtatawan ang kanilang pag-angkin sa South China Sea at itinuturing ito na kathang isip.

Inihabla ng Filipinas noong 2013 ang Tsina sa Permanent Arbitration Commission ng UNCLOS. Nanalo ang Filipino noong 2016 sa makasaysayang sakdal. Sinabi ng Commission sa desisyon na walang batayan ang pag-angkin ng Tsina. Hindi nila pag-aari kahit sa hinagap ang South China Sea.

May mga pangamba na maaaring lusubin ng Tsina ang Taiwan sa hinaharap. Isa ito sa pinaghahandaan ng Estados Unidos at mga kaalyadong bansa. Pinaikutan ng mga sasakyang pandagat ng Estados Unidos, India, Australia, Britanya, Francia, at Japon ang silangang bahagi ng Tsina na kung saan nandoon ang maraming industriya. Nakahimpil sila sa South China Sea.
***
HABANG binubuwag ang barikada ng mga nagproprotestang mamamayan ng Sibuyan sa mining operations doon, dinig na dinig ng ilang mamamayan na pilit nakikipag-usap ang isang opisyal ng Atlantic Dynamo kay Kenneth Gatchalian. Hindi malaman kung nasaan si Kenneth, o “KG.” Hindi siya si Kevin Garnett, ang retiradong basketbolistang na naglaro sa NBA. Mukhang wala siya sa isla. Ang Atlantic Dynamic ang subcontractor ng Altai Mining sa isla. Ito ang gumagawa ng totoong mining operations at pagluluwas ng nickel ores.

Patuloy kaming sumusubaybay sa kahihinatnan ng moratorium sa mining operations na iniutos ng DENR noong Sabado. Hindi kami basta nagtitiwala na totoong ipinatitigil ng DENR ang operasyon ng Altai Mining. Mas lalo kaming nababahala dahil wala kahit gaputok na sinasabi ang pamilya Gatchalian sa usapin ng illegal mining ng Altai Mining sa isla ng Sibuyan sa lalawigan ng Romblon.



Hindi kumikilos ang Altai Mining upang kumpunihin nila ang pagsira sa kaligiran sa Sibuyan. Sa tulong ng mga pekeng dokumento, sinira nila ang lupa sa paanan ng Mt. Guiting Guiting sa isla. Gumawa sila ng mga kalsada para makadaan ang mga mining trucks mula sa minahan hanggang sa pantalan. Nagtayo sila ng pier para makadaong ang mga sasakyang dagat na magdadala ng nickel ores sa Tsina.

Hindi sapat ang anumang paumanhin ng pamilya Gatchalian sa pagsira ng kaligiran sa Sibuyan. Kailangan nila ayusin ang kanila mga sinira sa isla. Takpan at tanman ng bagong halaman ang sinirang lupain, takpan ang mga kalsa na hindi kailangan, at gibain ang pantalan na hindi rin kailangan. Maniwala kami kung gagawin nila iyan.
***
KASAMA kami sa labis na nababahala sa lumobong bilang nga mga estudyanteng nagpakamatay at nagtangkang magpakamatay noong 2022. Iniulat ng Department of Education na sa 2,147 mag-aaral na nagtangkang magpakamatay noong nakaraang taon, 404 ang tuluyang nasawi. Mahigit 83% ng ating populasyon ang kabilang sa Simbahang Catolico Romano. Mahigpit na ipinagbabawal ng simbahan na ito ang pagpapatiwakal.

Sinusuportahan namin ang hakbang ng Deped na paramihin ang bilang ng guidance counsellor sa mga paaralang pampubliko. Marapat lamang na tugunan ang pangangailangan ng gabay ng mga estudyante na may problema sa pag-iisip. Hindi dapat matalo ang mga estudyante sa mga problema sa buhay. Hindi nawawala ang mga suliranin sa buhay.
***
HINDI namin alam kung anong masamang hangin ang dumapo kay Presidential Legal Adviser Juan Ponce Enrile upang imungkahi ang pag-aresto sa opisyal o staff ng International Criminal Court (IC) na pupunta sa Filipinas kaugnay ng pagpapatuloy ng ICC sa nabimbing pagsisiyasat kay Rodrigo Duterte at ilang kasangkot sa war on drugs noong termino niya.

Hindi namin alam kung masama ang gising ng 97-anyos na si Enrile, nalipasan ng gutom, o nagpasikat lang sa bagong laya na si Gigi Reyes sa kanyang walang basehang pahayag. Sa totoo, hindi niya binasa ang isinasaad ng Rome Statute, ang tratado ng maraming bansa na bumuo sa ICC. Batay sa mga probisyon ng tratado, bahagi ng pananagutan ng mga bansa, kahit sila ay tumiwalag sa ICC, na suportahan ang institusyon. Sa maikli, hindi nila basta mapipigilan ang mga opisyal at staff ng ICC sa kanilang responsibilidad na magsisiyasat.

Ayon sa mga eksperto sa international law, hindi nila maaaring arestuhin ang mga taga-ICC sa kanilang gawain. Pagtatawanan ang Filipinas sa international commuinity, anila. Hindi malalayo ang bansa sa ibang barumbadong bansa tulad ng North Korea at Iran na iniiwasan at pinandidirihan sa buong mundo. Wala sa lugar ang mungkahi ng tila nag-uulyanin na si Enrile. Imimungkahi nila na bumalik si Enrile sa kanyang mga aklat sa batas.
***
MGA SALITANG DAPAT TANDAAN: Ang totoo, bitter si Willie sa mga Villar. Maigsi pala ang pisi. Nang walang pumasok na ads at hindi nag-click, umurong agad.” – PL, netizen, kritiko

“There are only a few simple rules in journalistic reporting: Uncover and explain the facts, give context, keep the public informed, hold the government and the powerful accountable.” – Alan Robles, netizen, mamamahayag, kritiko

“Grabe ang nabasa ko mula sa isang netizen: ‘Let’s all support the closure of ALLTV!’ Kaya pala masama ang loob ni Willie R.” PL, netizen, kritiko