Advertisers
ANG buong lungsod ng Maynila na binubuo ng mga major road o’ mabuhay lane, minor road at maski na mga side street na pinaparadahan ng anumang sasakyan ay sinisingil na rin ng parking fee ng Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB).
Kawawa naman ang mga Manilenyo partikular na ang mga motorista na may-ari ng sasakyan na nakaparada lang sa tapat o’ gilid ng kanilang mga bahay sa residential area sa minor road na hindi naman masyadong dinadaanan ng mga sasakyan.
Wala ng paglalagyan at lulugaran ang kahabag-habag na mga taga Maynila dahil sa mga patakaran at ordinansang pinapatupad ng lokal na gobyerno ng nasabing lungsod lalo na ang MTPB.
Akala natin ay sa mga mall, palengke at mga komersiyong lugar lang natin makikita ang mga pay parking slot partikular na sa mga motorsiklo.
Nguni’t sa mga minor road at mga sidestreet na hindi naman masyadong dinadaanan ng mga sasakyan ay maniningil ka pa rin ng parking fee eh ibang klaseng tao na kayo o’ baka masyadong mabigat ang inyong pangangailangan.
Biruin mong hanggang sa pag-uwi at magpapahinga na lang ang mga taong galing sa kanilang trabaho’t opisina ay magbabayad pa rin ng P50 sa mga parking attendant na tinalaga ng MTPB sa bawat barangay para nga naman walang lusot tsk… tsk… tsk…
Oo nga’t pag-aari ng gobyerno ang mga kalsada ngunit konting konsiderasyon naman dahil nagbabayad rin naman ng amilyar o’ realty tax ang mga iyan na bumubuhay din sa gobyerno ng Maynila, di po ba?
Hindi naman nakabalagbag at nakakaabala kung nakaparada lang sa harapan o’ gilid ng kanilang bahay ang kanilang sasakyan dahil hindi naman ito “mabuhay lane” kundi isang residential area.
Pera-pera, pwera damdamin ang pinapairal ng mga ehemplong ito na tila may kasamang kunsinti sa kinauukulan. Puro multa, bayad… hatak dito hatak doon na walang ibang dulot kundi abala. Hindi na nakakatulong nagiging pabigat pa.
Wala kang pagpipilian dahil sa mga mabuhay lane ay libo ang multa sa clamping at towing, sa mga parking pay slot na kanilang tinalaga ay wala kang huli nguni’t bayad ka naman ng P50-P100 kada tatlong oras at hanggang sa sarili mong bahay ay bayad ka pa rin sa mga parking attendant ng P50, HAVE MERCY.
Tama nga ang sinasabi ni Cong. Bosita na inaabuso ng masyado ng MTPB ang kanilang kapangyarihan dahil tila kinukunsinti rin ng liderato at kasalukuyang administrasyon ng nasabing lungsod.
Nakaparada man o’ tumatakbo ang anumang klase ng sasakyan ay wala kang ibang choice kundi multa at bayad dahil bawal daw ang libre, he… he… he…
Sinabi rin ni Cong. Bosita na ultimo mga truck na galing pa sa kung saan-saan dako ng bansa ay obligadong magbayad ng P1,500 kapag ikaw ay dumaan sa anumang kalsadang sakop ng Maynila tsk… tsk… tsk… ilan milyon piso kaya ang kinikita ng mga ito?
Naka parada at hindi tumatakbo ang iyong sasakyan ay bayad ka pa rin ng walang kalaban-laban lalo na sa situwasyong hinatak ito. Walang ibang itutugon sa iyo ang mga ito kundi context mo na lang, lakas po ng loob dahil malamang na may blessing ang mga ito sa itaas.
Kung kaya’t kung bansagan pala ng mga Manilenyo ang MTPB ay “milk and honey” ng lokal na gobyerno ng Maynila dahil sa dami ng salaping pinapanhik nito sa kasalukuyang administrasyon ni Mayora Honey Lacuna.
Huwag na kayong maawa at maging considerate na lang sa inyong mga ka-lugar, constituents at kapuwa niyo ring mga Manilenyo,okay ba?