Advertisers
NAGPAABOT ng komunikasyon thru messenger ang ating suking kaisport mula pa sa Northern Samar partikular sa Munisipalidad ng Rosario.
Di akalain ng korner na ito na sa malayong lugar na iyon ay may sikat na sport tulad ng wrestling. Karaniwan kasi ay mga larong basketball, volleyball, softball, chess, swimming, athletics, table tennis sumasabak ang mga atletang kabataang estudyante na naghahanda para sa Palarong Pambansa. Pero iba doon sa bayan ng Rosario.
Mayroon silang mga kabataang atleta na namamayani sa mga palaro tulad ng Northern Samar Provincial Athletics Meet kung kaya sila ang magrerepresent ng kanilang paaralan at lugar para sa EVRAA at kung papalarin ay kakatawan sila sa rehiyon para sa Palarong Pambansa. Of course ay kailangan ng mga atleta nito ng ayuda para sa kanilang paghahanda sa laban.
Kaya nagkaisa sa pagtulong ang mga kabataang estudyante ng Guindaulan National High School upang makatulong sa kanilang sariling paraan para maayudahan ang kanilang 14 na pambatong atletang wrestlers na sasabak sa Eastern Visayas Region Athletic Association na lalarga sa Abril 24-27.
Ikinasa ng mga konsernadong mag-aaral ng GNHS ang kanilang proyektong may temang ‘Walis Mo,Lakas Ko’ kung saan ay gumagawa sila ng mass production ng walis upang ibenta ng halagang P35 bawat isa.
“ Kumakatok po kami sa inyong mga ginintuang puso upang masuportahan itong aming inisyatibo , “ panawagan ni Ms Joy Alcera- Department Head ng Guindaulan National High School.
Ang malilikom na pinagbentahan ng walis ay itutulong sa 14 na wrestler athletes na magti- training sa loob ng tatlong linggo para makipagtunggali sa EVRAA .
Mas maigi ayon kay Ms.Alcera kung madaragdagan pa ang halagang P35 bawat walis dahil sa malaking tulong ito sa kanilang mga pambatong atleta na nagpasiklab kamakailan sa qualifying event na NSPAA meet .Kinopo ng kanilang bets ang 14 na ginto at dalawang silver.
Optimistiko si Alcera na tutugon ang kanilang mga kababayan at iba pang good SAMAR’itan para sa natatanging adbokasiya sa kanilang atleta para sa bayan.
Tinagurian din ang naturang layunin na ‘Walis Tingting Para Sa Wrestling’.
Ang mga natatanging wrestling team ay binubuo nina( boys division)Paul S. Arlando,Noli Balicud, Albert Castillo, Patrick Jonas,Rico Ofilanda at Mark Lorenz Praga habang ang girls category ay kinabibilangan nina Jhana Escala, Alexa Nacinopa, Judina Gaddi, Marian Bido, Gabriella Llimpiado, Rhealyn Ferrer, Jessalyn Bandola at Princess Icy Castillo. Sina Coach Reden Castillo ( boys) at Carlos Raffy Miranda ang girl’s coach.
Dapat na makarating ito sa atensiyon ni Wrestling Association of the Philippines( WAP) president Alvin Aguilar upang mapalawig pa ang kanilang grassroot development dahil dito nanggagaling ang mga mahuhusay na atletang kakatawan at magbibigay ng karangalan para sa bansa sa hinaharap.
Malapit na ang EVRAA ,tulungan ang mga atletang tulad nila para … BAKBAKAN NA!