Advertisers
LALONG pinalalakas ang loob at binigyan ng inspirasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang mahigit walong daang mga atletang sasabak sa ika-tatlumpu’t dalawang South East Asian Games o SEA Games sa Phnom Phen, Cambodia.
Sa send-off ceremony sa Philippine International Convention Center o PICC, pinayuhan ni Pang. Marcos ang mga atleta na kapag nakaramdam ng pagod, dumanas ng injury o napanghihinaan ng loob ay dapat aniyang alalahanin ang 107 milyong mga Pilipino na magsisilbing cheering squad ng mga ito.
Sinabi ni PBBM na solido ang suporta ng pamahalaan sa mga atletang Pinoy, lalo na sa mga sports program.
Kaya naman, sinabi ng Presidente na inaasahan din niyang mag-uuwi ang mga atleta ng mga medalya, tropeo at karangalan para sa buong bansa.
Iginiit ng Pangulong Marcos na ang sports ay iilan lamang sa mga aktibidad na walang downside o walang sagabal at sa halip ay huhubog ito ng disiplina, magbibigay ng maayos at masiglang kalusugan, at makabubuo ng camaraderie o magandang pakikisama.
Maliban sa chief executive, dumalo rin sa aktibidad sina Sen. Christopher Lawrence “Bong” Go, Philippine Sports Commission Chairperson Richard Bachmann, Philippine Olympic Committee President Abraham Tolentino at iba pang opisyal.
Ang 32nd SEA Games ay magaganap mula Mayo 5 hanggang sa 17 sa Cambodia, kung saan sasabak ang mga atletang Pinoy sa tatlumpu’t walong disciplines o sports sa pinakamalaking biennial event sa rehiyon. (GILBERT PERDEZ)