Advertisers
ISINULONG ni Senador Francis “Chiz” Escudero ang panukalang batas na nagbabawal sa promosyon ng sugal sa mainstream at digital media upang mapigilan ang walang habas na pagsusugal at maprotektahan ang mga menor de edad mula dito.
Sinabi ni Escudero nitong Biyernes, Hulyo 31, na magpapataw ang Senate Bill No. 2347 o panukalang Gambling Advertising Prohibition Act ng nationwide restriction sa mga advertisement na may kaugnayan sa sugal sa telebisyon, radyo, o maging sa print, website, mobile applications at social media.
Ipinaliwanag ni Escudero na panahon nang ma-regulate ang industriya ng pagsusugal gaya ng ginawa sa tabako dalawang dekada na ang nakalilipas, kung saan ipinataw ang restriksiyon sa pagi-endorso nito sa ilalim ng Tobacco Regulation act of 2003.
Sa ilalim din ng panukalang batas, pagbabawalan ang mga celebrity at influencer campaigns, gambling sponsorships sa sports, concerts, at cultural events, product placements, promotional giveaways at branded merchandise na makapangi-engganyo sa mga 21 anyos pababa.
Papayagan lamang ang advertisements nito sa loob ng gambling establishments at sa official websites o mobile applications ng operators pero subject ito ng age-verification para malimitahan ang access dito sa mga 21 anyos pataas lamang.
Bibigyan naman ang mga operator, advertisers, broadcasters at online platforms ng isang taon para mabura o matanggal ang mga ipinagbabawal na advertisement.
Ang mga lalabag dito ay mahaharap sa multang aabot hanggang kalahating milyon, pagkakakulong ng hanggang tatlong taon at pagbawi ng business permits o lisensiya.