Advertisers
Harapang inagaw ang bola ni Dennis Schroder kay Steph Curry sa midcourt habang nagdridribol ang batikang guard ng Golden State sa midcourt. Nagresulta ito sa isang breakaway lay-up para sa German na Laker. Ang esksena ang naglarawan sa matinding depensa at mahusay na opensa ng Los Angeles kontra GSW noong Miyerkules.
Ilan na ba ang nagpahiya kay Curry ng ganyan? Yung kilalang magaling na ballhandler parang bata mo lang kinuhanan ng kanyang candy at iyong isinubo. Grabe nga. Ang kulit talaga magbantay ni Dennis. Sumundot muna tapos kumaripas ng takbo. Hindi na naabutan ng star ng Warriors ang Aleman. Posible rin pagod na ang three-point king ng NBA dahil si Jared Vanderbilt ang guwardiya niya madalas noong laro.
Mas higit lang siguro ang motivation nina Schroder at mga kakamping manalo sa homecourt ng Warriors upang makaungos sa Game 1 ng serye.
***
Noong Linggo ginanap ang Takbong Tambuli Run for a Cause sa Origas Canter sa Pasig City. Mahigit 300 katao ang sumali sa fun run na may mabuting hangarin para sa dalawang special na sektor at maayos na kalusugan para sa lahat.
Proyekto ito ng Tambuli ng Mamamayan ng Pasig na pinamumunuan ni Noel Medina.
“ Ang event na ito ay naglalayon na magkaroon ng pondo na gagastusin sa mga medical mission para sa Senior Citizen at mga Person With Disability,” wika ng Pangulo ng Tambuli.
“ Ang patakbong ito ay magpapakita sa taong-bayan na marami tayong magagawang mabuti kung sama-sama,” dagdag ng community organizer na si Medina.
Pinangasiwaan ni Jun Osumo ang loop running sa Ortigas Business District kung saan ang pinakamatandang lumahok ay isang 70 anos na lalake.
Ang mga nanguna ay sina Dan AJ Menton para sa 7.5K, Roy Laudit sa 5K at Noli Torre sa 2.5K. Tumanggap sila ng cash, medalya at espesyal na t-shirt.
***
Mayroon na tayong ginto sa 2023 SEA Games sa Cambodia kahit hindi pa pormal na nagbubukas ang palaro. Isang babae ang naghatid sa atin ng malaking panalo sa martial arts sa Phnom Penh.
Binigyan ni Kaila Napolis ang Pilipinas ng gold sa JiuJitsu. Mabuhay ka kabayan at maraming salamat sa karangalan.