Advertisers

Advertisers

PERGALAN, PAIHI AT LOGGER GROUP, NAGBIGAY NG ELECTION FUND KINA GOVERNOR HELEN TAN AT MAYOR MARK ALCALA?

0 1,368

Advertisers

TOTOO man o hindi dapat paimbestigahan nina Quezon Province Governor Angelina “Helen” Tan at Lucena City Mayor Mark Alcala ang kumakalat na balitang sila’y binigyan ng pondo ng samahan ng mga operator ng pergalan (perya at sugalan), paihi, illegal logger at STL con jueteng maintainer para sa kanilang campaign fund sa nakaraang May 9, 2022 local and national election.

 

Ang pagkatanggap diumano ng lady provincial executive ay ipinangangalandakan ng isang alyas Ajie, operator ng pergalan (perya at sugalan) sa Lucena City na nabigyan ng bendisyon na maglatag ng mga pasugal na color game, beto-beto, drop ball, kalaskas at ibat- ibang bawal na card at table game ilang metro lamang ang layo sa likod ng new Lucena City Hall sa Brgy. Mayao ng naturang siyudad.

 



Bukod sa pwesto nito sa likuran ng Lucena City Hall ay nakapaglagay din ito ng mga pasugalan sa kunyari ay tradisyunal na peryahan nito sa mga bayan ng Agdangan, Gumaca, Calauag at Guinyangan.

 

Kasosyo ni alyas Ajie sa munisipalidad ng Guinyangan ang isang alyas Billy Joe na nagpapakilalang pinuno ng mga “kapustahan” (police tong kolektor) sa buong CALABARZON area.

 



Si Billy Joe ay kilala na din sa taguring “Little PNP Regional Directress” pagkat sino mang pergalan maintainer na basbasan nito para makapag-operate ng mga peryahang may sugalan sa mga lalawigan ng Cavite, Laguna, Batangas, Rizal at Quezon ay para na ring nakakuha ng bendisyon ni PNP Regional 4-A Director PBGen. Carlito Gaces kaya’t hindi maaring kantiin ang operasyon ng sinumang police chief o mga kagawad nito sa nasasakupan ng Southern Tagalog Region.

 

Dahil sa taglay na impluwensya ni alyas Ajie ay nag-aalinlangan ang mga Quezonian na baka may katotohanan ang ipinagbabanduhan nitong si alyas Ajie na ang samahan ng mga pergalista ay nag-ambag-ambag para makalikom ng milyones na campaign fund bukod pa sa kanilang personal na suporta kina Gov. Tan at Mayor Alcala noong May 9, 2022 election, kung kayat kapwa nagwagi ang mga ito ng may malaking kalamangan sa kani-kanilang mga political rival.

 



Ang pahayag ni alyas Ajie na siya at ang kanilang samahan ng mga peryantes sa lalawigan ng Quezon ay nag-donate ng campaign fund sa gobernadora ay ibinabandera nito sa mga kapulisan na ilang beses na nagtangkang hulihin at pahintuin ang operasyon ng kanyang pergalan sa likod ng City Hall Office ni Mayor Mark Alcala.

 

Kaya simula nang umugong ang balitang kinargahan nina alyas Ajie ng campaign fund sina Gov. Tan at Mayor Alcala ay wala nang pulis ang nangahas na bulabugin ang mga pasugalan nito at ng kasosyong beteranang pergalista hindi lamang sa Lucena City kundi maging sa mga pasugalan nito sa mga bayan ng Agdangan, Gumaca, Calauag at Guinyangan.

 

Kuntodo may mga bantay na unipormadong pulis pa lulan ng Lucena City Mobile Patrol Unit ang nakikitang 24/7 na nagtatanod sa pergalan nina alyas Ajie sa Brgy. Mayao, bagama’t may 15 kilometro ang layo nito sa Lucena City Police Headquarter.

 

May permiso naman kaya kay Lucena City Police Chief LtCol. Erickson Roranes ang deploymnent ng kanyang uniformed personnel bilang bantay o “patong” sa pergalan ni Ajie? Kung may permiso si LtCol. Roranes, aba ay malalagay sa kahiya-hiyang sitwasyon ang kapulisan ng lungsod ng Lucena pagkat tila umaaktong sekyu sa mga sugarol na nagkukumpol-kumpol sa likod ng Lucena City Hall?

 

Ang mga ka-grupo ni alyas Ajie ay sina Mesio at Luisa na nagpapatakbo ng pergalan sa Brgy. Lutucan sa bayan ng Sariaya; Brgy. Paisa, Tiaong na inooperate ni Jun; isa pang pwesto ay sa San Antonio Bayan ay kay Luisa din; Poblacion Tiaong ay kay Glenda; bayan ng Infanta ay kay Otso; sa Gen. Nakar ay kay Bobuy; Brgy. Antonino, Tiaong, Brgy. Guisgis at Brgy. Montecillo sa bayan ng Sariaya ay kay Lyn at Alex sa Brgy. San Isidro sa munisipalidad ng Tiaong.

 

Bukod sa mga pergalan operator, malaki din diumano ang naging ambag sa campaign fund sa doktora at milyonaryang Gov. Tan at Mayor Alcala ang mga operator ng paihi o buriki na sina Eric sa Brgy. Bocohan, Lucena City, na bukod sa paihian ng petroleum product ay nagpapasingaw pa ng Liquified Petroleum Product (LPG) sa Brgy. Bocohan, Lucena City.

 

Kabilang din sa mga campaign donor ay sina Troy paihi operator sa Brgy. Lalig, Tiaong; Lanie operator ng burikian sa Brgy. Malabanban, Candelaria at alyas Sammy na nag-ooperate ng paihian sa bayan ng Guinyangan.

 

Pati ang tinatayang hindi kukulangin sa may 160 illegal logger na kilala din sa katawagang magkakahoy sa naturang lalawigan ay may kanya-kanya din naging ambag para sa campaign fund ni Gov. Tan.

 

Hindi naniniwala ang SIKRETA na tumanggap ng campaign fund ang neophyte politician na gobernadora lalo’t mula pa sa grupo ng ilegalista nanggaling ang pondo. Ang pagtataya ng inyong lingkod, ang ipinangangalandakan lamang ni alyas Ajie na nagbigay ito at ang iba pang grupong iligalista ng panggastos sa kampanya nina Gov. Tan at Mayor Alcala ay maaring ginagamit lamang na sandata ng mga naturang grupo para sila’y hindi pakialaman ng pulisya.

 

Totoo man o hindi ang ipinagdadaldal nina Ajie at kagrupo nito tungkol sa campaign fund donation, ito’y malaking kasiraan kina Gov. Tan at Mayor Alacala kaya’t dapat ay kumilos ang mga ito (Gov.Tan at Mayor Alcala) – ipaaresto kina Quezon PNP Provincial Director Col. Ledon Monte at CIDG Provincial Officer LtCol. Mark Jayson Gatdula sina alyas Ajie at kagrupo nito at agarang ipatigil lahat ang mga gambling operation sa Lucena City at 39 pang mga munisipalidad at iba pang kailigalan sa buong lalawigan ng Quezon. Abangan…

 

***

 

Para sa komento: Cp. No. 09664066144