PAALAM KAPATID DENNIS; HUSTISYA KAY KAPATID BUNDOQUIN; KUMOKONTRA KAY BRO. CONG. ERWIN T., MAGSITIGIL NA KAYO!
Advertisers
ETERNAL rest, classmate, kapatid, Dennis Fetalino!
Naging close kami ni Dennis noong maging editor siya ng aming official student paper, The Dawn sa University of the East (UE) main campus sa Claro M. Recto.
In the mid-80s, sa pamamatnugot ni Dennis – na tawag namin ay si Mr. Fatal – ang The Dawn ang pinakamalaking student paper noon sa buong bansa.
Isa siya sa naging mentor ko sa pagsusulat, Bro. Dennis, maraming maraming salamat.
Palakaibigan siya at matulungin sa mga kapatid sa media kaya na-elect siya ng ilang beses bilang director ng National Press Club.
A veteran journalist, naging reporter ng maraming daily newspaper – Malaya, Herald Tribune, Philippine Star, Business Star at bago siya namayapa, si Dennis ay editorial editor ng People’s Journal at sumusulat ng column.
Condolences sa mga naulila niya: wife Juliet, mga anak – Mario, Jordan at Regine; mga kapatid na sina Mario at Jena at lahat ng kaanak.
Ililibing siya sa Hunyo 6 sa Dasmarinas, Cavite at sa mga nais magbigay ng huling respeto, nakaburol ang mga labi niya sa Chapel 10, Heritage Memorial Park, Taguig City.
***
KUNG sa ibang partlylist representative, mas may karapatan, karanasan ang ating kapatid sa media, at dating Department of Social Welfare and Develoment (DSWD) secretary Erwin Tulfo na maging miyembro ng Kamara.
Ewan ko ba kung bakit atras-abante itong Commission on Elections (COMELEC): noon una, sabi, bahala na ang liderato ng House sa kapalaran ni Cong. Erwin na nakapanumpa na bilang 3rd nominee ng ACT-CIS partylist.
Pero biglang kumambiyo at rerebisahin pa raw ang disqualification petition ng isang abogado, anak naman ng kuwago.
Wala na sa jurisdiction ng COMELEC ang kaso ni Bro. Cong. Erwin, kasi hindi na nito sakop ang Kongreso at moot and academic na ito.
Nanumpa na si Cong. Erwin at yung mga kumokontra, magsitigil na kayo at pati ang Kamara, pinakikialaman nyo, mga bwiset kayo, sanabagan!
***
PATUNAY na prioridad ni Presidente Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. ang buhay at kaligtasan ng mga mamamahayag at ang kalayaan sa pamamahayag at pagpapahayag, sa halip na buwagin ito, lalo pang pinalakas sa appointment bilang executive director ng Presidential Task Force on Media Security (PTFoMS) ang ating dating National Press Club (NPC) president Paul Gutierrez .
Sa kamay ni Undersecretary Gutierrez – na batikang reporter, editor at kolumnista – buo ang tiwala namin na magagampanan niya ang kanyang mabigat na trabaho dahil kilala siya bilang tagapagtanggol sa interes, kapakananan at kagalingan ng mga kapatid niya sa media.
Agad na siyang kumilos sa nakalulungkot na pagpatay kay Cris Bundoquin, isang radio blocktimer ng Calapan City, Oriental Mindoro habang nasa tindahan niya sa Brgy, Sta. Isabel, 4:20 ng madaling araw ng Mayo 31.
Kasama ni Cris ang anak niya sa loob ng tindahan nang biglang sumulpot ang dalawang salarin, sakay ng motorsiklo.
Pagkababa ng gunman, binaril si Bundoquin ng 5 beses na tatlong bala ang tumama sa kanyang ulo na ikinamatay nito.
Pagkabaril sa kanyang ama, matapang na hinabol ni Jaymar ang tumatakas na salaring magkaangkas sa motorsiklo na bumangga sa pader.
Namatay ang driver ng motorsiklo, si Narciso Ignacio Guntan pero nakatakas ang suspek na inaasahan natin sa mabilis na pagtutulungan ng Mimaropa Regional Police Office sa pamumuno ni P/BGen. Joel Doria at Or. Mindoro Police Director Samuel Delorino madarakip ang salarin at malalaman kung sino ang utak sa pagpaslang sa ating kapatid sa pamamahayag.
Nananawagan si Usec Gutierrez sa lahat ng may impormasyon sa krimen na makipag-ugnayan sa ‘SITG (Special Investigation Task Group) Bundoquin’ at sa publiko, iwasan muna ang magbigay ng mali-maling pahayag tungkol sa dahilan ng pagpatay kay Bundoquin.
So far, sa mabilis na kilos ng PTFoMS at ng SITG Bundoquin, sinabi ni Usec Gutierrez na kilala na ang suspek at baka nga, binabasa nyo ang kolum na ito, nadakip na siya at matutukoy na ang nag-utos upang utasin ang ating kapatid sa media.
Nananatili na pinangangalagaan ng estado, lalo na ang administrasyon ni PBBM ang kalayaan sa pamamahayag at prioridad nito ay pangalangaan ang buhay at kaligtasan ng nasa media.
Pinasalamatan ni PTFoMS Usec Gutierrez sina Justice Secretary Jesus Crispin ‘Boying’ Remulla at Presidential Communications Office (PCO) Secretary Atty. Cheloy Velicaria-Garafil sa malaking tulong ng mga ito sa imbestigasyon sa krimen, at sa pagbuo ng matitibay na ebidensiya para mausig, maisakdal at maparusahan ang kriminal.
“The clear message we want to send is that the government gives serious attention to the life, security, and liberty of all members of the press,” sabi ni Usec Gutierrez.
Samantala, lahat ng tulong ay patuloy na ibinibigay sa naulilang pamilya ni Bundoquin, kabilang ang kaloob na P50,000 reward na inialok ng isang nagmamalasakit na indibidwal para sa makapagbibigay ng impormasyon upang agad na madakip ang kriminal.
Kamakalawa ay pumunta sa Or. Mindoro si Usec Paul na nakiramay sa pamilya ni Bundoquin at tiniyak niya ang gobyerno, sa pamamagitan nina Justice Sec. Remulla, PCO Sec. Garafil at pamunuan ng PNP at sa utos na rin ni PBBM, ang pamahalaan ay kikilos nang higit pa sa inaasahan upang mapanagot ang (mga) salarin at mabigyan ng hustisya ang pamilya ng ating kapatid sa media.
“Sa aking mga kasamahan sa media, tuloy lang tayo sa ating mga trabaho. Kung may mga pagbabanta o panganib, narito ang gobyerno, ang PTFoMS, para umalalay sa inyo,” sabi ni Usec. Gutierrez.
Mapagkakatiwalaan ang pahayag niya at makakaasa ang pamilya, hustisya ay makakamtam nila.
***
Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon ay sumulat o magmensahe lang sa bampurisima@yahoo.com.