Advertisers
Binigyang-diin na dapat iprayoridad ang kapakanan at mainam na kondisyon ng mga mag-aaral, sinabi ni Senador Christopher “Bong” Go na ipinauubaya niya sa mga eksperto at kinauukulang opisyal ng Department of Education ang pagpapasya sa panukalang ibalik sa dati ang school calendar.
“Ipaubaya natin iyan sa ating mga opisyal ng edukasyon. Alam kong pinag-aaralan na po nila ito. Mas alam po nila ang kanilang trabaho sa departamento, kung ano po ang makabubuti sa ating mga kababayan.”
“Ang akin po dito, bilang miyembro po ng Senado, ay pag-aralang mabuti at huwag pong masakripisyo ang kalusugan ng mga kabataan. Ang ayaw natin dito, baka hindi nila kayanin ang init tuwing summer kasi alam n’yo, nakasanayan na natin. Alam n’yo, tuwing summer tayo, March, April, may bakasyon tayo nu’n dahil napakainit po ng klima, napakainit po sa classroom,” ani Go.
Ang DepEd ay nagpasimula na ng proseso ng pagsusuri upang alamin ang mga potensyal na benepisyo at hamon ng pagbabalik sa dating kalendaryong pang-akademiko.
Ayon kay DepEd spokesperson Michael Poa, ang desisyon na isaalang-alang ang pagbabalik ng dating academic calendar ay mula sa ilang kadahilanan.
Sinabi niya na kinikilala ng ahensya na tugunan ang mga alalahanin na nauugnay sa panahon na kadalasang humahantong sa pagsususpinde ng klase, pinahabang pahinga sa paaralan, at mga kasunod na alalahanin sa pagpapatuloy ng pag-aaral.
“Hindi pa tapos yung pag-aaral tungkol diyan, kung ibabalik or hindi, so I cannot say for sure. Kung ibabalik man, hindi yan agaran because if we do that, hindi magkakaroon ng break ang ating learners at teachers,” turan ni Poa.
Isang survey sa higit-kumulang 11,000 guro na isinagawa noong huling linggo ng Marso ang nagsasaad na hindi bababa sa 67% ng pampublikong guro sa paaralan ang nakaranas ng “hindi matiis” na init sa silid-aralan na nakagambala rin sa mga estudyante at nakakaapekto sa kanilang pagpasok.
Iginiit ni Senator Go na ang DepEd, bilang pangunahing awtoridad sa usapin ng edukasyon, ay eksperto at may karanasan para masusing suriin ang sitwasyon.
“Unahin muna natin ang kalusugan ng mga kabataan. Health muna. And of course, huwag po dapat masakripisyo ang education. Importante dito, masusunod pa rin natin ang number of school days na kailangan nilang pumasok sa pag-aaral at huwag masakripisyo ang kalidad ng education kapag in-adjust po natin o ibalik sa dating summer break po,” sabi ni Go.
“I’m sure pag-aaralan po itong mabuti ng ating DepEd officials, mas alam po nila ang kanilang trabaho. So ako po ay nakikiusap sa ating mga officials na pag-aralan at kung kailangang ibalik, ibalik po natin, kung ano po ang mas makakabuti sa mga estudyante na hindi po maapektuhan ang kanilang kalusugan,” giit niya.