Advertisers
IBINASURA ng en banc ng Korte Suprema nitong Miyerkules, Abril 29, ang petisyon para sa mandamus na inihain ni Catalino Aldea Generillo, Jr., na naglalayong atasan ang Senado na agad magtipon bilang impeachment court upang litisin ang mga kaso laban kay Vice President Sara Duterte.
Sa botong 14-0-1 na isinulat ni Associate Justice Rodil V. Zalameda, sinabi ng Korte Suprema na ang mandamus, na layuning ipatupad ang isang malinaw na legal na tungkulin, ay hindi angkop na remedyo sa kasong ito. Idinagdag ng Korte na ang mga kilos ng Senado sa loob ng saklaw ng kanilang kapangyarihan ay hindi maaaring baguhin o kontrolin ng hudikatura sa pamamagitan ng mandamus, maliban na lamang sa mga kaso ng malubhang pag-abuso sa diskresyon.
Gayunman, upang ganap na maresolba ang isyu, itinuring ng Korte Suprema ang petisyon bilang isang ‘certiorari’ at sinuri kung may naganap na grave abuse of discretion ang Senado nang hindi ito agad magtipon bilang impeachment court habang naka-session break.
Ayon sa Korte Suprema, walang nakitang paglabag sa bahagi ng Senado. Nilinaw nito na ang “forthwith” sa ilalim ng Artikulo XI, Seksyon 3(4) ng Konstitusyon ay hindi nangangahulugang “immediate” o agad-agad, kundi “within a reasonable time”, depende sa kalagayan ng bawat kaso.
“Forthwith” simply means within a reasonable time, the Court clarified, stressing that it allows the Senate time to prepare to convene as an impeachment court.
Bagamat inaatasan ng Konstitusyon ang House of Representatives na kumilos sa loob ng itinakdang bilang ng session days sa impeachment complaints, wala itong espesipikong palugit para sa Senado upang simulan ang impeachment trial. Nakasaad lamang na ang paglilitis ay “shall forthwith proceed”, na nag-iiwan sa Senado ng diskresyon sa tak-dang oras ng pagsisimula.
Ipinaalala rin ng Korte na dapat iwasan ng Senado ang hindi makatwirang pagkaantala upang mapanatili ang prinsipyo ng pananagutan ng mga opisyal ng gobyerno sa taumbayan.
Samantala, sinabi ng Korte Suprema na ‘moot’ na ang petisyon dahil nagsimula na ang mga paghahanda ng Senado para sa impeachment, at dahil sa naunang desisyon ng Korte noong Hulyo 25, 2025 at Resolusyon noong Enero 28, 2026 sa kasong Duterte v. House of Representatives na nagdeklara ng kawalan ng bisa ng Articles of Impeachment laban kay Vice President Duterte.
Ayon sa Korte, ang isang kaso ay ‘moot’ kapag ang mga sumunod na pangyayari ay nag-aalis ng aktwal na isyu, kaya’t wala nang kinakailangang pagdedesisyonan ang hukuman at wala nang batayan upang pilitin ang Senado na magtipon bilang impeachment court. (Jocelyn Domenden)