Advertisers
HINDI bababa sa 14 residente ng Barangay Calulut, San Fernando City, Pampanga ang sunod-sunod na itinakbo sa ospital matapos makagat ng asong may rabies nitong Huwebes.
Mga bata ang karamihan sa mga sinakmal, ayon sa mga awtoridad.
Sa kuha ng CCTV camera sa isang talipapa sa nasabing barangay, kita ang pagpasok ng aso sa tindahan Huwebes ng hapon.
Ilang saglit pa, biglang inatake at kinagat ng aso ang mukha ng babaeng bantay na noo’y nakaupo lang at nagpapahinga.
Sa ibang CCTV footage, nakitang biglang natumba ng patihaya ang isang bata paglabas ng pintuan ng kanilang bahay. Inatake din ito ng aso, kinagat sa mukha.
Iisa lang ang aso na nasa likod ng mga sunod-sunod na pagsakmal sa mga residente ng Barangay Calulut, ayon sa beterinaryong si Dr. Ryan Paul Manlapas ng San Fernando City Agriculture and Veterinary Office.
“Iyong atake kasi is mabilisan, biglang magmo-move forward yung aso kakagat tapos biglang aatras na kaagad tapos biglang tatakbo na sa ibang bahay,” sabi ni Manlapas.
Napag-alamang Belgian Malinois ang breed ng asong nangagat. Namatay ito matapos hulihin at hampasin ng mga residente dala ng takot na baka sakmalin din sila.
Nang ipasuri ang aso sa Regional Animal Disease Diagnostic Laboratory, nagpositibo ito sa rabies.
Posible na naipasa ng aso ang rabies virus sa mga nakagat nito, ani Manlapaz. Kung hindi ito maagapan, posibleng ikasawi ng mga biktima ang impeksyong dala ng sakit.
Naitakbo naman sa pagamutan ang mga nakagat ng aso at nabigyan ng anti-rabies post-exposure vaccination.
Sa ngayon, hindi pa rin matukoy kung sino ang nagmamay-ari sa asong nangagat.
Sa ilalim ng Anti-Rabies Act of 2007, obligasyon ng mga dog owner na bakunahan kontra rabies at iparehistro ang kanilang mga alagang aso.
Sagot din ng mga may-ari ang anumang gastos sa pagpapagamot sakaling may kinagat ang alaga.