Advertisers

Advertisers

Truckers umaalma na sa unregulated charges ng shipping lines

0 172

Advertisers

PATULOY na umaasa ang Confederation of Truckers Association of the Philippines (CTAP) na magkaroon na ang gobyerno ng isang regulating agency na magmamando at sisilip sa kaliwa’t kanang unregulated charges na ipinapataw ng shipping lines sa truckers at brokers.

Wala pa kasing ahensiya ng gobyerno sa Pilipinas na humahawak at nagdedesisyon sa charges at iba pang fees na ipinapatupad ng shipping lines. Kaya malaya ang bawat shipping lines na ipataw ang iba’t ibang local charges na lubhang humahatak pababa sa importers at brokers. Mismo!

“Kailangan talaga magkaroon tayo ng isang Government Regulating Agency. Para siya na ang tumitingin at nagdedesisyon kung anong charges ang ibinibigay sa amin or before mag-charge si Shipping Lines ng kanilang charges, dadaan muna dapat sa kanilang regulating body. Gano’n naman kasi talaga ang dapat,” sabi ni Wellcargo Customs Brokerage Inc, Import/Export supervisor Januario Panaligan.



Base sa invoice billing na natatanggap ng brokers mula sa shipping lines, bigla na lamang nagsisulputan ang charges na hindi sila pamilyar, tulad ng ng ‘Peak Season Surcharge’ na dating ‘Congestion Surcharge’.

“‘Yung dating Congestion Surcharge, ginawa nilang Peak Season Surcharge. Kasi ‘pag sinabing peak season, maraming kargamento. So, pagka-maraming kargamento, congested. Gano’n lang din ‘yon. Walang pinagkaiba. Iniba lang nila yung tawag. So, ang nangyayari ay hindi parin nababawasan ‘yung charges na binabayaran namin sa kanila. Mas dumami pa nga,” diin ni Panaligan.



Maliban pa rito, sandamakmak din na “redundant” at unnecessary charges ang ibinibigay ng shipping lines na binabayaran ng brokers at importers gaya ng ‘Container Cleaning Fee’, ‘Container Handling Fee’, ‘Container Imbalance Surcharge’, ‘Terminal Handling Charge’, at iba pang charges na pinapauso ng shipping lines.

“The rates are not regulated. No government office regulating them kaya they can do that anyway. Kagaya halimbawa ng Terminal Handling Charge, tapos mayroon pang Port Cargo Handling. Eh hindi naman sila nagha-handle eh. Pangalawa, ‘yung Container Imbalance Fee, ang import kasi natin is mas marami kaysa sa export. So, ‘yung pamasahe nu’ng export sa pagbalik ng empty [container] sa mga container yard. ‘Yun na ‘yung bayad doon. Eh ‘di ba mayroon naring binabayaran o kinakargahan sa mga export? So, imagine mo ‘yun. Naningil na sila sa import, naningil pa sila sa export. So, ilan lang ‘yan sa napakarami pang kuwestiyonableng charges nila,” pahayag ni CTAP President Mary B. Zapata.



Sa kabila ng bilang ng mga hindi makatarungang charges na binabayaran ng importers at brokers, nagkaroon ng kaunting improvement ang mga shipping lines pagdating sa ilang bagay gaya ng container deposit refund gayundin ang pagtanggap sa mga isinasauling empty containers.

Pero ayon sa CTAP, malayo parin ito sa layunin ng kanilang grupo na pigilan na ang pagdami ng unregulated charges na ipinapatupad ng mga shipping lines.

“Try to re-consider naman ‘yung kanilang mga charges and to be fair. If they really love the country and really want to have the Government to address the inflation, they have the most party na dapat mag-consider ng kanilang charges.” diin ni Zapata.

Tama ang grupo ng truckers/brokers dito.

Paging Congress: Imbestigahan nyo nga ito. Now na!