Advertisers

Advertisers

Nasaan ang moral ng mga Alagad ng Batas, may lunas pa ba ang patuloy nilang pagsuway sa Batas?

0 13,158

Advertisers

Ang kaisa-isang ahensya o sangay ng gobyerno ng kahit sino mang bansa na labis-labis ang kapangyarihang taglay ay dili’t iba kundi ang kanyang pulisya na siyang pangunahing taga pagpatupad ng batas nito.

Hindi mawawaglit ang Pilipinas sa mga bansang ito. Sa katunayan, isa ang bansa natin na ang kapangyarihang taglay ng kanyang pulisya ay minsan, kung hindi man lagi, ay punto ng batikos na ang puna ay mas higit pa sa papuri na kanyang tinatanggap dahil sa tuwing ang mga tauhan nito ay nalilihis sa pagpapatupad ng kanyang tungkulin , ay hindi ito maikakaila sa masusing paningin mga taong pinangakuan nilang pagsisilbihan at puprotektahan.

BAKIT NGA BA? Ito rin ang laging naririnig sa mga kritiko at ilang mambabatas sa tuwing ang mga miyembro ng PNP ay nasasangkot sa katiwalian o malakihang anomalya. Sa ngayon ang problema ng droga na hindi lang naman ngayon, manapa’y nuon pa… ang laman ng pahayagan, social media, radio at telebisyon. Ito na siguro ang pinakamalalang suliraning bumabalot sa usaping pangseguridad, kaayusan at katahimikan ng ating Inang Bansa. Kung bakit nga, sa dami-dami ng mga nai-involve e ang pulis pa ang pangunahing mga player o aktor, na disin sana ay sila ang mga nangunguna sa kampanya ng gobyerno laban sa iligal na droga.



Itong huling kaganapan na ang ilang matataas at ilang middle level na opisyal at mga non-commissioned officer ang nasasangkot sa ilang bilyong halaga ng shabu sa Maynila na nalambat sa pangangalaga ng isang umano’y safehouse ng isang Master Sargeant, ay tila hudyat na ang kapulisan ay napasok na ng isang malaking sindikato ng iligal na droga.

Para masangkot ang ilang matataas na opisyal, umano’y mga general-rank officer sa usaping ito’y malaking palaisipan sa mga senador ng bansa na pilit pinatutuga ang sangkot na mga pulis sa kanilang pagdinig na kung makailang beses na, ngunit di nagtagumpay. Sadyang malalim ang pinag-ugatan ng pagtanggi ng mga pulis sa kanilang nalalaman sa nasabing ga-tuniladang dami ng shabu na nasa pag-iingat ng kanilang kasamang nasa pangangalaga ngayon ng PNP.



Sadyang tagos sa buto ang pagtanggi ng mga pulis sa anumang tanong ng mga senador. Ang kanilang karapatan sa ilalim ng batas ang ipinagngangalandakan nila sa lahat ng mga tanong sa hearing sa Senado…na siyang ikinayamot ng karamihan. Bakit hanggang sa mga oras na ito ay hindi pa nalulutas sa Senado ang sarsuelang ito? Ang madlang -bayan ay naghihintay ng resulta ng pagdinig na ito, isa na ako marahil. At mas marami pang dating nakasama ko nang ang PC CANU ay unang nakilala sa larangan ng kampanya sa buong bansa laban sa iligal na droga nuong 1975. Isang mahalagang nagawa ni dating Lt Col Bienvenido Lasam Felix na siyang may akda ng pagkakatatag ng PC Constabulary Anti-Narcotics Unit ay ang pagpa-firing squad sa numero unong tsinong naghasik ng iligal na droga, cocaine at heroin sa ating bansa, si Gan So Sou alias Lim Seng sa Fort Bonifacio, Taguig City.

Nuong panahong Philippine Constabulary pa ang ngayon ay PNP, tahasan kong sasabihin na ang sarili nitong disciplinary mechanism sa mga erring personnel nito ay malaking pagkakaiba sa ngayong ito ay PNP na. Ang sikat at kinatatakutang holding center ng PC na kung tawagin ay stockade nuon, ay isang bangungot sa mga nagkabisala o nagkasala sa rules and regulations ng organisasyong Khaki and Red.



Masaklap ko mang sabihin na sa pag-inog ng panahon, ang pagiging totally civilian in character ng PNP ay nagbigay ng kakaibang pagkataong-gobyerno at pagkilala bilang tagapagpatupad ng batas sa kanilang hanay… ngunit tila baga ito ay lumabis sa kapangyarihang naipataw sa kanyang balikat.

PNP, sa inyong mga kamay nakasalalay ang kaligtasan at kaayusan ng buong mamamayan! May pag-asa pa bang mabago ang lumulubog nitong imahe dahil sa mga miyembrong walang inisip kundi ang pansariling kapakanan?