Advertisers
TINANGGAL na sa hanay ng Philippine National Police (PNP) ang pulis na nakunan ng video, at kumalat sa social media ang panggugulpi at panunutok ng baril sa kasintahan sa Magpet, Cotabato noong Abril 2023.
Kinilala ang sinabak sa police service na si Corporal Louie Jay Lumancas, dating kasapi ng Magpet Municipal Police force.
Sinibak si Lumancas dahil sa kanyang walang awang pananakit sa kasintahan dahil lang sa selos.
Maraming residente ng Magpet ang naniwalang may problema sa pag-iisip si Lumancas, na naaresto April 10 at agad na nasampahan ng criminal at administrative cases.
Mismong ang tanggapan ng Internal Affairs Service sa Camp Crame ang nagkumpirma ng pagtanggal kay Lumancas sa PNP nitong Sabado, July 22, 2023.
Una nang nagpahayag ang direktor ng Police Regional Office-12, Brig. General Jimili Macaraeg, na siya na mismo ang kikilos upang mabigyan ng aksyon sa ginawang mali si Lumancas dahil hindi ito karapat-dapat na magpatuloy sa pagiging pulis.
Nagpasalamat ang women’s welfare groups at peace-advocacy organizations sa Central Mindanao sa liderato ng PRO-12 sa mabilis na aksyon sa insidente.