Advertisers
IBINIDA ng Public Works and Highways (DPWH) na ‘on track’ ang mga flood control projects ng pamahalaang Marcos.
Ang pahayag ay ginawa ni DPWH Secretary Manuel Bonoan matapos kuwestiyunin nina Senators Alan Peter Cayetano, Joel Villanueva at Loren Legarda kung saan napupunta ang pondo para rito.
Sa press briefing sa Malakanyang, binigyang diin ni Bonoan na ‘ongoing’ naman ang mga nasabing proyekto.
Paliwanag ng kalihim, may dalawang taon ang DPWH para ipatupad ang mga flood control projects habang ang ilang maliliit na proyekto ay sinasabing naantala ang konstruksiyon dahil sa mga usapin sa ‘right of way’ at pananalasa ng ilang bagyo.
Iginiit ni Bonoan na nakakalat sa buong bansa ang mga proyekto na binuhusan ng pondo na nasa P180 bilyon.
Samantala, mangangailangan naman ang pamahalaan ng tatlong milyong manggagawa para sa mga malalaking infrastructure projects sa susunod na taon.
Ayon naman kay DOLE Secretary Bienvenido Laguesma, ang labor market o supply and demand forces ang magdidikta ng presyo o halaga sa sweldo ng mga empleyado.
Kasama sa mga kakailanganin ay ang mga skilled labor at technical people para sa public infra projects ng gobyerno.
Sinasabing maglalaro sa P35,000 kada buwan ang entry level position pa lamang para sa isang civil engineer. (Gilbert Perdez)