Advertisers
ANG nakagawiang sistema ng Philippine National Police (PNP) sa pag-a-upgrade ng mga ranggo ng ilang opisyal nila ay iligal pala!
Ito ang ibinabala ni dating Budget secretary Benjamin Diokno, na ang practice o sistemang ito ay iligal lalo na kung walang pag-sang-ayon ang National Police Commission (Napolcom).
Isang liham ni Diokno noon pang July 19, 2018 kay dating Undersecretary Ferdinand Cui Jr. at acting head ng Presidential Management Staff, ang nagsasabing kinakailangan ng PNP na kumuha at lakipan ng ‘rekomendasyon’ ng Napolcom bago nito itaas ang ranggo ng kanilang mga opisyal.
Ayon kay Diokno, ang ‘upgrading’ ng mga ranggo ng police officials “will alter the organizational setup of the PNP. RA (Republic Act) 6975 provides for three deputy director general ranks only. However, the subject PNP proposal will increase it to 7.”
Sa pagsusuri sa PNP personnel structure, may tatlong deputy director generals na may ranggong lieutenant general.
Subalit, mayroon pang limang (5) opisyal na lieutenant general din ang ranggo na may designasyong sa erya ng police command chiefs. Parehas din ang halaga ng sahod na kanilang tinatanggap sa tatlong unang nabanggit bilang deputy director generals.
“We find no provision in RA Nos. 6975 and 8551 that authorized the President to increase the number of Deputy Director Generals nor to upgrade the ranks of the positions heading the different units of the PNP. It will likewise distort the hierarchical relationship within the PNP leadership in as much as the heads of certain Operational Support Units will be of equal rank to the Deputy Chiefs of the PNP,” paliwanag ni Diokno sa liham.
Noon namang Oct. 12, 2022, nagsumite si Director Mary Anne dela Vega ng Budget and Management Bureau kay Interior and Local Government Secretary Benjamin Abalos Jr. ng “matrix” para sa PNP rank distribution na in-approved ng DBM, at sumasakop sa 226,410 miyembro ng police force.
Ngunit ang DBM-approved rank distribution na ito ay hindi tumutugma sa talagang lakas ng bilang na umiiral sa PNP.
Ito ang pagkakabahagi ng nasabing matrix: 5 lieutenant general; 6 major general; 24 brigadier general; 232 colonel; 910 lieutenant colonel; 1,410 major; 1,835 captain; 31,729 staff sergeant; at 30,052 corporal.
Lagpas ito ng 66,203 posisyon na may kabuuang taunang ‘base pay’ na P26.707 billion.
Para sa star-rank positions, pinapayagan ng DBM ang tatlong lieutenant generals lamang, pero sa kasalukuyan walo na ang mga ito.
Sa ranggong major general, ang allowed lamang ng DBM ay 11, ngunit 17 na ang may ranggong ganito ngayon. Samantalang ang brigadier general ay 86 lang pinapayagan, ngunit 110 ang na-appoint na.
Sa mga non-star rank, 624 lamang na colonels ang ‘allowed’ ng DBM, pero mayroon na ang PNP ng 856.
Pinapayagan din ng DBM ang 2,000 lieutenant colonels, pero ang aktuwal na bilang nito ay 2,910 na.
Pagbabala ni Diokno: Bagama’t may mandato ang Napolcom at may ‘administrative control and operational supervision’ sa PNP, at makapag-mungkahi sa Pangulo ng mga bagay hinggil sa pulisya, kasama na ang planong reorganisasyon, wala ito inerekumindang “upgrading” ng mga ranggo at posisyon sa organisasyon ng PNP.