Advertisers
Dalawang linggong na rin ang nakalilipas simula nang italagang Director ng Quezon City Police District (QCPD) si PBrig. Gen Redrico A Maranan pero hindi na matatawaran ang idineklara nitong giyera laban sa kriminalidad sa lungsod partikular na rin sa illegal drugs.
Hindi naman lingid sa kaalaman ng nakararami na ang droga ang karamihan ugat ng mga krimen kaya isa sa prayoridad ni Maranan sa kanyang pamumuno ang pagsugpo sa pagbebenta ng ilegal na droga.
Ang kampanya laban sa droga ay bilang tugon ng Heneral sa direktiba ni PNP Chief, PGeneral Benjamin Acorda maging ni NCRPO Chief, PDirector General Jose Melencio Nartatez kaugnay sa nais ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr na maayos at mapayapang Pilipinas.
Sa nagdaang linggo, Setyembre 10-16, may 51 drug peddlers ang naaresto ng QCPD mula sa isinagawang magkakahiwalay na operasyon ng iba’t-ibang police station at operating unit.
Ayon kay Maranan, sa 36 operations na ikinaaresto ng 51 katao, 32 ang pusher habang 21 naman ang user kung saan umaabot P2,458,115.60 halaga ng marijuana ang nakompiska at mga drug paraphernalia.
Sa operasyon ng Novaliches Police Station (PS 4) sa pamumuno ni PLTCOL Jerry Castillo, tatlong tulak ang nadakip sa buy bust operation at nakompiskahan ng 9 kilos ng Marijuana na nagkakahalaga ng P1 milyon.
Ang drug operation ay isinagawa nitong Setyembre 16 sa Barangay Bagbag, Novaliches, QC.
Habang ang Payatas Bagong Silangan Police Station (PS 13) sa ilalim ni PLTCOL Leonie Ann Dela Cruz, dalawa naman ang naaresto nitong September 14, 2023 saRoad 1, Purok 6, Brgy. Bagong Silangan, Quezon City.
Ayon kay Dela Cruz, tatlong kilong marijuana ( P360,000 street value) ang kanilang nakompiska sa dalawa sa isinagawang buy bust operation.
Iyon lang ba? Hindi, at sa halip ay nagwagi din ang anti-drug operation ni PLTCOL May Genio, Station Commander ng Holy Spirit Police Station (PS 14) kung saan tatlo rin ang nadakip matapos bentahan ng droga ang pulis na nagpanggap na buyer sa ikinasang buy bust operation sa Himlayan Road, Brgy. Pasong Tamo, Quezon City. Umabot din ng halaganh P301, 200 damo ang nakuha sa mga tulak.
Nakatakdang kasuhan ang mga suspek ng paglabag sa R.A. 9165 ( Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002).
“Hindi po kami titigil sa aming laban kontra iligal na droga, bagkus ay lalo pa naming paiigtingin upang tuluyan nang matuldukan ang salot na dulot nito sa atingmga kababayan”, pangako ni Maranan sa QCitizens.
Dalawang linggo pa lang sa puwesto si Gen. Maranan pero, ang kanyang pangako sa QCitizens na protektahan at panatilihin ang kaayusan at katahimikan ng lungsod ay unti-unti nang naaabot bilang katugunan sa kahilingan ni QC Mayor Joy Belmonte.