Advertisers

Advertisers

Bakit hindi masolusyonan ang dumaraming pekeng Pinoy sa bansa?

0 116

Advertisers

HANGGANG ngayon dear readers ay hindi nasosolusyonan ng pamahalaan partikular ang Bureau of Immigration hinggil sa dumaraming pekeng Pinoy na ang marami ay nagawang makapag-secure ng pinekeng birth certificate at ang matindi pa ay nakapag-process pa ng PH passport.

Siyasatin natin: Ilan na ba ang naideport na Chinese worker ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs) na ang alam natin ay sinimulan noong Oktubre 2022?

May opisyal report na ba ang Deparment of Justice (DoJ) tungkol dito?



Noong early months this year ay may utos na ipasara na ang operasyon ng 175 POGO na sa tantiya, ito ay nakapag-empleyo ng mahigit sa 300,000 Chinese, anyare?

Alam nyo po ba mga masugid kong tagasubaybay na bawal ang sugal sa China?

Ano ang ginawa ng mga kasabwat na ilegalista?

Naisip na itayo sa atin ang POGO — na for the record ay totoo namang nagsampa ng bilyon-bilyong pisong tax sa kaban ng gobyerno pero ang naging kapalit nito e pagtaas ng kriminalidad na marami ay kagagawan ng Chinese nationals sa kanilang kababayan.

‘Yung mga talunang Chinese kasi na hindi nakabayad ng utang, pinapatay at kinikidnap ng kapwa nila Chinese na may kasabwat na Pinoy.

Naturuang makorap ang ating law enforcement gawa ng malaking salaping suhol mula sa sindikato ng mga Chinese gangsters na malayang nakapasok sa bansa para dito gumawa ng krimen.



May naparusahan na ba sa isyu ng pastillas gang ng Bureau of Immigration na malayang nagpapasok kahit kriminal na Chinese kapalit ng kimpal-kimpal na salaping suhol?

Wala tayong nairinig o nababasang report mula sa DoJ hanggang ngayon dear readers.

Balita rin na yung mga Chinese POGO workers ay nagtago na, kung saan ang marami nga ay nagawang makapag-secure ng pinekeng birth certificate.

Sanabagan, ang gagaling nyo, huh at siyempre, daming nagkapera sa mga local civil registry office, na ginamit ang birth certificate ng mga Pinoy na namatay na o mga Pinoy na pumayag maduplika ang kanilang birth certificate kapalit ng daan-daan libong piso.

Pag gipit nga, kahit sa patalim ay kumakapit.

Ngayon, “lehitimong” nakapamumuhay ang mga Chinese na pekeng Pinoy na nagawa nang makasunod sa ating ugali, natutong magsalita ng wika natin at ang marami ay nakapagtayo ng negosyo, at/o kaya ay nakapag-asawa na.

Milyong Pinoy ang naagawan ng trabaho ng mga Pekeng Pinoy na ito — na pag nagkaanak, dagdag sa bundat na populasyon ng Pilipinas na aagaw sa mga kapos na serbisyong medikal, pagkain, trabaho, pag-aaral, at iba pang kakumpitensiya ng ating kabataang Pinoy.

Pero alam nyo ba, may gimik ang mga henyo ng sugal na may ipinalit na sa POGO at ito ay platform ng Oriental Game na nakapagsusugal ang nasa abroad sa mga palarong sugal na ino-operate sa bansa.

E ganito rin ang platform ng POGO — ayon sa Finance Department, noong 2020 kumita ang gobyerno (sa pamamagitan ng Philippine Amusement and Gaming Corporation) at P3.9 billion noong nakaraang taon sa iba-iba pang bayarin ng mga operator ng POGO.

Kung may bilyon-bilyong pisong kinikita ang POGO, hindi matutumbasan ng perwisyong dala nito sa pagtaas ng kriminalidad sa bansa.

Kay Justice Sec. Jesus Crispin ‘Boying’ Remulla – na sana ay mapatino mo ang mga tampalasan sa Bureau of Immigration.

Sana makita natin ang galing mo at sa tulong ng ating makikisig na opisyal at tauhan ng National Bureau of Ivestigation (NBI), katuwang ang Philippine National Police (PNP), ‘yung mga takas na kriminal sa China na nakapasok sa bansa ay madakip at maipatapon pabalik sa kanilang bansa.

Marami na tayong kriminal dito, dagdag ang mga Chinese na ito na ang dala ay perwisyo, kamatayan at salot sa bansa natin.

Kung ang Bureau of Customs (BoC) ni Commissioner Bienvenido Rubio ay may anti-smuggling task force, ay panahon na marahil na magbuo ng TF laban sa Chinese fugitives, pekeng Pinoy at mga kasabwat nila.

Makatutulong ang media, lalo na ang mga tropa sa National Press Club (NPC), di po ba

Kaya panawagan kay Justice Sec. Boying Remulla, gising at kilos na!
***
Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon ay sumulat o magmensahe lang sa bampurisima@yahoo.com.

Leave A Reply

Your email address will not be published.