Advertisers
IDINEKLARA ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang Barangay and Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) bilang special non-working day sa buong bansa.
Ayon sa Presidential Communications Office (PCO), ito’y upang mabigyan ng pagkakataon ang mga mamamayan na makaboto sa Oktubre 30.
Inanunsyo ito ng Malacañang, nitong Miyerkules, Oktubre 11, sa pamamagitan ng Proclamation No. 359 na may petsang Oktubre 9.
Magugunitang ipinag-utos ng Korte Suprema sa Commission on Elections (Comelec) ang pagdaraos ng BSKE, alinsunod na rin sa batas.
Samantala, dahil special non-working holiday sa Oktubre 30 (Lunes), ‘no work, no pay’ ang kaayusang mangyayari kung saan magkakaroon ng dagdag 30% ng kanilang daily rate ang mga manggagawang papasok sa araw na iyon sa unang walong oras.
Kung rest day naman ng empleyado at pinili pa ring pumasok, obligado ang kompanya na bayaran siya ng karagdagang 50% ng kanyang daily rate sa unang walong oras. (Gilbert Perdez)