Advertisers

Advertisers

NAKAKADUDANG PANANAHIMIK

0 2,479

Advertisers

MAAGANG naumid ang bibig ni Inday Siba mula ng mag walk-out sa piging kung saan naroon ang kinaiinisang ispiker ng Kamara. Binalewala ang presensiya ng panauhing pandangal na si Boy Pektus dahil baka‘di mapigilan ang sarili kung nakikita ang nagbasura sa Confidential and Intelligence Fund (CIF) ng mga ahensyang pinamumunuan. Hindi nagawang magpaka-orocan ni Inday Siba kung nasisilip ang mukha ni Waray Buot na nakipag kuntsaba sa bloke ng makabayan sa pagharang ng CIF ng abalang pangulo’t kalihim. Maganda ang ngiti sa una ng magpakita ng gilas ang anak ti’ Batac at isinulong ang pagbibigay galang sa usapin ng kaperahan ng opisina ng abalang pangulo. Sa inaakalang maganda ang takbo ng pagdinig sa kaperahan ng mga opisinang tangan labas ang gilagid sa saya at tumayo ng taas ang noo si Inday Siba. Subalit pansamantala ang ligayang nadama dahil sa pagihip ng hangin sa kamara ng biglang may bagyong pumigil sa CIF ng abalang pangulo. At sa pagdako sa senado, lalong lumakas ang hangin dahil sa ‘di napaghandaan mga tanong ni Sen. Hontiveros.

Lumipas ang mga araw, lingo at buwan hindi narinig ang boses ni Inday Siba at tila ginawang taga-pagsalita ang amang Osla na nagbanta sa kinatawan sa mababang kapulungan dahil sa pagharang sa CIF ng nak-ang mahal. Sa inusal na pagbabanta sa isang kinatawan ng kamara, naghain ang pangalawa ng kaso sa hukuman laban kay Totoy Osla. Ngunit ‘di ito naging dahilan upang magsalita si Inday Siba sa isyung napasukan ng ama. Nanatiling tikom ang bibig kahit sa mga imbitasyon bilang panauhin. Hindi sumisipot at nagpapadala lamang ng mga “video tape recorded message” na siyang pinapakingan sa mga pagtitipon.

Sa kilos na ito ni Inday Siba, pinagtataka ng nakararaming tagapagmasid kung bakit o tila pinili nito ang manahimik sa halip na harapin ang isyu ng CIF o sa usapin ng ama. O’ dahil tinamaan ang sarili o ego sa pagkaka basura ng hiling na pondo na ‘di naranasan sa bilang lingkod bayan. Sa pagkakabasura ng CIF, nawala sa usapang pambansa ang masibang prinsesa ngunit papasok sa isip na kung ano ang pinagkakaabalahan nito. At ‘di nagtagal naglabas ng pahayag ang hepe ng sandatahang lakas na may usapin ng kudeta naririnig sa hanay kasundaluhan. Malakas ang ugong ng kudeta mula sa mga dating heneral na tapat kuno sa dating pamahalaan na walang pagtingin sa kasalukuyang pamunuan. Ngunit, agad na naglabas ng sariling “press released” ang dating bata ni Totoy Osla na kasalukuyang tagapayo sa panseguridad na walang usapin ng kudeta at na “mis-quoted” ‘lang kuno ang hepe ng sandatahang lakas ng bansa.



Sa magkabilang tindig ng dalawang opisyal ni Boy Pektus na parehong aktibo sa serbisyo, ‘di maalis na mag-isip na may nilulutong senaryo ang kung sino upang maghasik ng pag-aalala sa kasalukuyang pamahalaan. O’ tinitimpla kung paano kikilos ang pamahalaan ni Boy Pektus sa usapin ng destabilisasyon. Masalimuot ang usapin, ngunit ang pagsasabi ng destab mula sa puno ng sandatahang lakas ay nangangailangan ng masuri at mabatid ang pinagmumulan. Hindi karaniwang kawal ang nagsasabi at ‘di karaniwang opisyal ang iba ang pahayag. Ang tanong sino at saan galing ang impormasyong pinag-uusapan? At sino ang dapat paniwalaan?

Sa magkasalungat na pahayag ng mga opisyal, kapansin pansin ang katahimikan sa hanay ni Inday Siba at tila isang palaisipan na dapat himayin. Ang kawalan ng kibo sa usapin ay ‘di nangangahulugan ng kawalan ng alam o malasakit sa sitwasyong nasa harap. Subalit nakakaduda at madaling basahin ang kilos ng katawan kontra sa katahimikan higit kung may tagong sama ng loob ang isang tao. Hindi man tuwirang ang layon na mapalitan si Boy Pektus ngunit malakas ang pahiwatig na ‘di masaya ang abalang pangulo sa kaganapan sa kongreso. Ang pagkakabasura sa CIF ni Inday Siba sa kamara’y tila ‘di tangap at kailangan ayudahan ng pangulo ng bansa. Maaring ang kudeta’y nakatuon sa ispiker ng kamara na siyang layon sa usaping bangit. At kung mapalitan ang lider ng kamara ang maipasa ang hiling na pondo’y tila nasa dulo ng daliri ni Inday Siba. Ngunit tunay na magpapa gewang sa pwesto ni Boy Pektus.



Sa totoo lang, sumisikip ang usapin ng pagpasa sa kaperahan ni Inday Siba sa mababang kapulungan sa paglipat ng maraming hunyango’t balimbing sa bagong partido pinamumunuan ni Boy Pektus. Sa tindig ng dami ng mga balimbing at hunyango ang tayuan ang unang naipasa sa hanay ang siyang titindigang usapin sa bi-cam ng ‘di mapahiya sa madla. Ang tindig na ipinapakita ng liderato ng kamara, na ‘di takot sa banta ng sino man higit ng dating palalong palamura na si Totoy Osla. Hindi magpapasuwag ang kamara higit sa isang opisyal na kilala sa pagiging masiba sa kaperahan ng bayan ngunit ‘di magawang ipaliwanag ang nais na kaperahan higit ang pagtustos sa P125M na ginastos lang sa 11 araw. Sa Kamara, ang tumindig para sa kabutihan ng bayan higit sa pera ng bayan ang tindig na kailangan sa likod ng banta ng kudeta.

Sa totoo lang, may kahirapang makita ang dumi na nasa tungki ng ilong. Tulad sa nakasama sa buhay o sa laban na nagbigay daan sa pag-aayos sa nakaraan para sa kasalukuyan at hinaharap. Ang masayang nakaraang pagsasama’y tunay na ginto kung susuriin at halos walang halagang katumbas. Ngunit kailangan timbangin ang kapakanan ng bayan kontra sa pagkakaibigan higit kung sumumpang maglilingkod ng tapat sa bayan at mamamayan. Ang serbisyong tapat sa bayan ang tamang paglilinis sa nakaraan. Hindi kailangan kalimutan ang pagkakaibigan ngunit iba ang usapan kung kapakanan ni Mang Juan at ng bayan ang nakataya. Huwag limutin ang nakaraan na ang ngitngit ng bayan ang nagpatalsik sa sino mang nagtaksil sa sumpang binitawan.



Sa liderato ng bayan, panatiliing mapagmatyag sa mga lihim na kalaban higit ang sa taong may tampo sa dahilan ng kaperahan. Ang lumabas na mga panggulong pahayag na tila sadya upang mabatid kung paano kikilos ang lideratong dating kakampi na ngayo’y makiling sa kinaiinisang kalaban. Ang kawalan ng kibo’y ‘di sapat na masabing ayus lang kahit hindi ayus dahil ang tampo nito’y tunay at nakakabahala. Nakakaduda ang pananahimik ni Inday Siba kasabay ng malakas na salungatang tinig ng dalawang mataas na opisyal ng pamahalaan. Huwag bitawan ang tamang duda sa taong malapit na nasaktan dahil sa pera ng bayan. Muli maging mapagmasid at baka masilat ang lideratong tangan at maulit ang kasaysayan.

Maraming Salamat po!!!