Advertisers
UMUUGONG ngayon ang usap-usapan na plano umano kontrolin ng mag-fraternity brother, Speaker Martin Romualdez at Health Secretary Ted Herbosa, ang IT provider ng buong Department of Health (DoH) pati sa attached agencies nito.
Ito’y matapos lumabas ang pangalan ng isang kamag-anak ni Herbosa na kasalukuyang chief executive officer (CEO) ng Philippine Payments and Clearing System (PhilPaCS) na si Edgardo Herbosa, isang IT provider sa bansa.
Tuloy ay marami sa mga taga-DoH ang nagtataasan ng kilay. Anila, kung talagang nais ng BBM administration na hindi na madagdagan pa ang kabi-kabilang isyu ng korapsiyon, dapat mapigilan ang planong ito na tiyak magbibigay ng pagdududa sa mata ng publiko dahil narin sa usapin ng “conflict of interest”.
Ang PhilPaCS ay may kakayahang magbigay serbisyo patungkol sa electronic payment portal at iba pang online payment na may kinalaman sa aspeto ng permits, lisensiya at pananalapi.
May mga IT expert ang nagsasabi na sakaling matuloy ang pagkuha sa serbisyo ng PhilPaCS, hindi malayong maging batbat ito ng korapsiyon lalo’t umaabot sa P199.45 billion ang budget nitong 2023.
Ang isyung patungkol ay inaasahang itatanong din ng mga senador at kongresista sa pagsalang ni Herbosa sa makapangyarihang Commission on Appointments (CA) ngayong Martes, Disyembre 5.
Nauna nang na-bypass ng CA si Herbosa noong Setyembre dahil sa kawalan ng oras at iba’t ibang isyu ng anomalya sa ahensiya.
Ang Alliance of Health Workers (AHW) ay naglabas din ng pahayag hinggil sa maigting nilang pagtutol sa appointment ni Herbosa dahil ang opisyal ay wala umanong katangiang maganda para mamuno bilang kalihim ng DoH.
Inakusahan nila si Herbosa bilang “notorious red tagger” at tagapagsulong sa DoH ng mga anti-health worker at “anti-poor policies”. Isa na rito ang plano niyang pag-privatize sa National Orthopedic Hospital at Fabella Memorial Hospital na tiyak pabigat sa mga pasyente at pamilya ng mga naturang pagamutan.
Pinatawan din ng Office of the Ombudsman ng ‘perpetual disqualification from holding public office’ si Herbosa kaugnay naman sa P392 million ‘hospital modernization project’.
Kung ‘unpopular’ ang tingin ng taga-DOH kay Herbosa, masyado namang popular ito kay Speaker Martin na mahigpit na kalaban ngayon ni Vice-President Sara Duterte-Carpio.
Si Romualdez umano ang “padrino” ni Herbosa dahil magka-brod ang mga ito sa Upsilon Sigma Phi fraternity.
Kalat na sa social media ngayon ang planong pagkuha sa PhilPaCS bilang bagong IT provider ng DOH at attached agencies nito.