INIHAYAG ni Senate President Juan Miguel Zubiri na walang dahilan para paniwalaan ang alegasyon na sa isang empleyado ng Senado nagmula ang mga ipinakalat na impormasyon kaugnay sa travel expenses ni House Speaker Ferdinand Martin Romualdez.
Sinabi ito ni Zubiri matapos ang pahayag ng broadcaster ng Sonshine Media Network Inc. (SMNI) na si Jeffrey “Ka Eric” Celiz na nagmula ang kaiyang alegasyon sa isang Senate employee.
Ani Zubiri, hangga’t walang pinapangalanang empleyado ng Senado ay hindi siya maniniwala sa ibinabato laban sa mataas na kapulungan.
Sa isang programa ng SMNI, binanggit ni Celiz na aabot umano sa P1.8-billion ang ginastos ni Romualdez sa kaniyang mga pagbiyahe ngayong 2023, bagay na pinabulaanan ng liderato ng Kamara.
Ayon kay House Secretary General Reginald Velasco, nasa P4.347 million lamang ang nagastos ng Office of the Speaker para sa pagbiyahe nito mula noong Enero hanggang nitong Oktubre.
Sinabi naman ni Zubiri na kapag napatunayan na nagmula talaga ito sa isang empleyado ng senado ay maaari naman itong patawan ng disciplinary action.