Advertisers

Advertisers

PAGBAWI SA MGA ISLA, GIYERA NGA LANG BA ANG PARAAN?

0 14

Advertisers

KAMAKAILAN ay may nakausap tayong ilang abogado hinggil sa usaping West Philippine Sea (WPS), at nagkaroon ng mga makabuluhang diskusyon.

Merong iba ay kontra sa ating mga isinulat dati pa laban sa China, at iba naman ay pumanig sa inyong abang lingkod.

Uulitin ko po mga masugid kong tagasubaybay: Maraming isla at bahura sa katubigan ng WPS ay okupado na ng China, Vietnam at Taiwan noong pang 1978.



May mga nakatayo na ring military at naval facilities sa mga katubigang iyon ang tatlong bansa, pero tayo wala kahit kapirasong “bato” sa inaangkin nating atin, ayon sa desisyon ng The Hague, Netherlands.

Dahil okupado na nila ang mga isla roon, hindi sila papayag na makuha natin iyon, at kung ipipilit natin na kuhain at okupahin, ang resulta ay giyera.

E ang tanong, kaya ba nating giyerahin ang China, Taiwan at Vietnam?

Ang alam ko ay ito: We can only own, what we can defend.

Kaya ba nating i-defend sa giyera ang mga islang atin?

Kakampi ng US ang Taiwan at malakas ang puwersa ng Vietnam na kakampi ang Russia.



Superpower ang China na hindi basta isusubo ng US ang military nila para lamang ipagtanggol tayo, ayon sa Mutual Defense Treaty natin sa America.

Sa bibig ni US President Joe Biden, mananatili siya sa pagpapatrolya sa pinag-aagawang teritoryo para maiwasan ang giyera.

At giyera lamang ang paraan para pisikal na mabawi natin ang mga isla sa WPS – na armado na ng warships, fighter jets, nuclear submarine ng China at ng Taiwan at ng Vietnam.

O mga masugid kong tagasubaybay, nakuha nyo po ang punto ko?
***
Tunay na walang matatag at matapat na samahan at pagkakaibigan sa politika.

Batay sa karanasan, walang matatag na tunay at totohanang bigkis ng paninindigan at pakikipaglaban tuwing may halalan at matapos na maideklara ang mga nanalo sa halalan.

Kaya nga nauso ang bukambibig na “balimbing” at “hunyango” at trapong politiko dahil sa ugali ng pagtalikod at pagluluwa ng salitang pangako ng mga politiko.

Kitang-kita ito sa ugali ng mga botante at partido politika sa pagpili ng mga ibinobotong Pangulo at Pangalawang Pangulo.

Balikan natin ang election 2010: Magkatiket sina President Benigno Aquino III at dating DILG Sec. Mar Roxas, pero kung totoo ang paniniwala ng marami, maraming tagasuporta ng Liberal Party at mismong mga alagad ni Aquino ay iniwan sa kangkungan si Roxas at sinuportahan ang dating kandidato noong Vice President na si Jejomar Binay – katiket niya noon ay si dating Presidente at Manila Mayor Joseph ‘Erap’ Estrada.

May mga nagsasabi na kungdi sa solidong suporta at boto ng mga kasapi ng Iglesia Ni Cristo, baka nanalo si Estrada at hindi si Aquino.

Iilang milyong boto lamang ang ipinanalo ni Noynoy laban kay Erap, kung matatandaan.

Pansinin uli: noong 1992, nanalo sina Pres. Fidel Ramos at VP Estrada, kapwa magkaiba ng partido, at noong 1998, galing din sa magkalabang partido sina Pres. Estrada at VP Gloria Macapagal Arroyo.

Si brodkaster Sen. Noli de Castro naman ang nanalong VP katiket si Arroyo noong 2004.

Mahalaga ang papel ng pangalawang pangulo sa ating eleksiyon dahil anoman ang mangyari sa presidente, siya ang mauupo sa Malakanyang.

Alam na natin ang nangyari noong EDSA 2 – naupo si VP Arroyo at napalitan si Pres. Estrada.

Kaduda-duda ang pagkatanggal kay Erap nang paupuin si Gloria sa dahilang “constructive resignation” daw ni Estrada na iginiit na hindi siya nagbitiw sa pagka-pangulo.

Noon ring 2016 ay may kakatwang sitwasyon na isinulong ang ilang grupo para sa Team Jo-Len, para ipanalo sina VP Jojo Binay at Cong. Leni Robredo.

Si Leni ay katiket ni LP candidate Mar Roxas, na kung matandain ang taumbayan ay katiket ni Pres. Aquino pero ang nanalong VP ay si Binay.

Kuno, maraming Aquino supporters ang “nagtraydor” kay Mar kaya tinalo siya ni Binay na nagtaguyod ng “Noy-Bi” o “Bi-Noy” tandem noong 2010 elections.

Dahil daw sa nanggagaling sa magkaibang partido ang sana ay magkatuwang na pangulo at pangalawang pangulo, may nagmumungkahi na gayahin natin ang estilong Amerikano sa pagboto ng presidente at Bise-presidente.

Sa US, awtomatiko na pag ibinoto ang pangulo, kasama na ring ibinoto ang katiket na pangalawang pangulo.

At sa US, awtomatiko, ang VP ang nauupong Senate president, kaya matatag ang liderato ng Senado na walang ugaan at pagpapalit-palit ng pangulo nito.

Sa US, magkatugon, magkasama at nagkakaisa ang presidente at ang VP sa pagtataguyod ng kanilang plataporma de gobyerno.

Hindi tulad sa atin, kung magkaibang partido galing ang pangulo at pangalawang pangulo, madalas kaysa hindi, magkakontra sila at ang apektado ay kapakanan at interes ng sambayanang Pilipino.

Sa katatapos na 2022 elections ay ganito pa rin ang nangyari kontra-kontrang interes sa politika, nanalo si Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos, Jr. at Sara Duterte bilang Pangalawang Pangulo.

The rest is history.

Ano, tularan na ba natin ang American style ng pagboto sa presidente at VP?
***
Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon ay sumulat o magmensahe lang sa [email protected].