Christmas bonanza sa Maynila, tuloy-tuloy
Advertisers
TULOY-TULOY ang Christmas bonanza sa Maynila. Ito ay matapos na ianunsyo ni Mayor Honey Lacuna na bawat kawani ay tatanggap ng special recognition incentive (SIR ) kasabay ng distribusyon ng rice bags sa 1,300 kawani ng Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB) na pinangunahan rin ng alkalde.
Kasama sina Vice Mayor Yul Servo at MTPB adviser Dennis Viaje, pinapurihan ni Lacuna ang mga kawani ng MPTB sa kanilang ‘di matatawarang serbisyo sa pagmimintina Ng kaayusan ng trapiko sa mga kalye sa lungsod at gayundin sa pag-alalay sa mga naaaksidente.
Nabatid mula kay Viaje na ang mga rice bags na ipinamigay sa bawat kawani ng MTPB ay token of appreciation ng lungsod sa kanila.
Inanunsyo din ni Lacuna nitong Lunes ng umaga na ang SIR na ipamimigay sa isang taon ay kabilang Ang mga kawani na job order (JO).
Pinasalamatan ng alkalde si city treasurer Jasmin Talegon at Servo, na ayon sa kanya ay nagtrabaho para sa mabilis na pagpasa ng ordinansa na nagbigay daan para sa nasabing benepisyo.
“Di man umabot ng Pasko dahil matagal ang proseso niyan, pwede nang gawin ang mga kinakailangang dokumento para matanggap ninyo. Pati mga job orders makakatanggap, sa tulong ng local finance committee at masinop nating pangangasiwa ng pondo ng ating lungsod. Maraming salamat, Mam Jasmin Talegon,” sabi ni Lacuna.
Pinuri din ng alkalde ang mga kawani ng lungsod sa kanilang isang buong taon ng dedikasyon sa paglilingkod sa publiko lalo na sa mga Manileño.
Ayon kay Talegon, ang SIR ay sakop ang may 9,000 regular na empleyado at may 10,000 JOs na under contract of services (COs). (ANDI GARCIA)