Advertisers
Patay ang isang negosyante nang pasukin ng mga miyembro ng New People Army (NPA) ang bahay nito habang naghahapunan sa Toboso, Negro Occidental nitong Martes ng gabi.
Kinilala ang biktima na si Juvinie Sarona, 43-amyos, may-ari ng lumberyard.
Sa report, 7:00 ng gabi nang pasukin ng mga may 15 rebelde ang bahay ng biktima sa Brgy. Bug-ang Toboso, Negros Occidental.
Nabatid na naghahapunan ang biktima kasama ang tiyuhin nito nang pasukin ng mga armadong salarin ang bahay.
Pinagbabaril ng mga salarin ang biktima sa iba’t-ibang bahagi ng katawan habang hindi naman sinaktan ang tiyuhin ng una. Nang masigurong patay na ang biktima mabilis na tumakas ang mga salarin.
Narekober sa pinangyarihan ng insidente ang may 25 mga basyo ng bala ng M16 habang nagtamo naman ng 9 na tama ng bala ang biktima.
Hinihinala ng mga otoridad na paghihiganti ang motibo ng pagpatay sa biktima dahil sa kilala ito supporter sa mga programa ng pamahalaan at aktibo sa kampanya ng military at pulisya laban sa mga rebelde.(Mark Obleada)