Advertisers
AMININ man o hindi, halatang takot na takot si Senador Ronald “Bato” Dela Rosa sa umano’y isinasagawang imbestigasyon ng International Criminal Court (ICC) kaugnay ng war on drugs ng nakaraang administrasyon.
Matapos mabalitaang nasa Pilipinas na ang ICC prosecutors at nagsasagawa ng mga pag-iimbestiga kaugnay ng war on drugs ng nakaraang administrasyon pati ang mga ginawang paglikida ng Davao Death Squad noong alkalde pa si dating Pangulo Rodrigo Duterte, umusok ang tumbong ni Bato, hinikayat ang kanyang mga kasamahang mambabatas na magsagawa ng imbestigasyon sa pagkakapasok ng ICC sa bansa ng umano’y walang pahintulot ng gobyerno. Dapat aniyang i-deport ang mga taga-ICC.
Pero sinabi ni Senate Minority leader “Koko” Pimentel, walang masama kung mag-imbestiga man sa bansa ang ICC kung “honest to goodness” ang ginagawa nitong imbestigasyon sa mga nangyaring ‘extra judicial killings’ ng nakaraang administrasyon, pati na sa mga reklamo laban sa DDS na umano’y si Duterte ang nasa likod ayon sa umaming hitman na si retired police Arturo Lascanas.
Si Lascanas ay nakapagsumite na ng mga testimonya sa ICC kung ano ang mga naging papel niya sa DDS.
Ang dating presidential spokesman ni Duterte na si Atty. Harry Roque ang nagbunyag na “labas-pasok” na sa bansa ang ICC, na ang nasa likod daw nito ay si Pangulong “Bongbong” Marcos.
Mariin namang itinanggi ng kampo ni PBBM na kasalukuyang nagsasagawa o nakapagsagawa na ng imbestigasyon ang ICC.
Sabi ni Justice Secretary “Boying” Remulla, hindi pa sa kanila nakikipag-ugnayan ang mga taga-ICC. Kung sakali namang nag-iimbestiga na nga ang ICC, kailangan parin nito ng mga opisyal na rekord mula sa DoJ. Hindi pa raw ito nangyayari.
Teka, bakit tila takot na takot si Senador Bato sa imbestigasyon ng ICC? Dahil ba ginawa nga nila ang mga pagpatay noon?
Si Bato ang PNP Chief nang magdeklara ng war on drugs si noo’y President Duterte, at siya rin ang hepe ng Davao City Police nang maghasik ng lagim ang DDS.
Kasama umano si Bato sa listahan na iniimbestigahan ng ICC pati sina Vice President Sara Duterte-Carpio, ex-House Speaker Pantaleon “Bebot” Alvarez, ex-DILG Sec. Ismael Sueno, ex-DoJ Sec. Vitaliano Aguirre, ex-Police Colonel Edilberto Leonardo, Colonel Royina Garma, ex-NBI Director Dante Gierran, ex-Solicitator General Jose Calida, at Police Sgt. Sonny Buenaventura.
Si Sarhento Buenaventura ang madalas banggitin ni Lascanas sa mga interview sa kanya na kasamahan niya ang una bilang hitman ng DDS.
Kaya kung may dapat mang imbestigahan ang Kongreso hinggil sa pagkakapasok ng ICC sa bansa, isa si Lascanas sa dapat nilang gisahin sa Kongreso. Mismo!
Sa latest expose ni Lascanas sa interview ng VERA Files, matitindi ang kanyang mga ibinunyag tungkol sa naging papel niya sa DDS at mga naging utos sa kanya noon ni Duterte. Tinawag pa niya si Duterte na lord of drug lords! Boom!!!