Advertisers
SA nagaganap na impeachment trial, may mga legal expert at kilalang personalidad ang pumupuri sa pagiging Presiding Officer ni Senator “Chiz” Escudero.
Bakit nga naman hindi?
Makikitang patas ang pagtrato ni Escudero sa magkabilang panig. Mabilis ding umusad ang proseso dahil sa kaalaman niya sa batas. Ngunit merong nag-iisang boses ang hindi sumasang-ayon sa mataas na marka na nakukuha ni Chiz sa pamamahala sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.
Sa gilid-gilid ng Senado, tila abala si dating presidential legal counsel Salvador Panelo sa pagpuna kay Chiz sa pagiging Presiding Officer nito. May ilang punto (personal na nga ang iba) na binabanggit si Panelo, ngunit ang pinakamalaking isyu niya ay ang desisyon ng Presiding Officer na payagan ang pag-subpoena sa ilang mahahalagang dokumento, records, at papeles na may kaugnayan kay VP Sara.
Klaro naman ang paliwanag ni Escudero tungkol dito, itinuturing na importante sa alinmang paglilitis ang mga inihahaing ebidensya, ngunit hindi naman nito inaalis ang karapatan ng depensa na tutulan ang admissibility at relevance ng mga ito habang nagpapatuloy ang trial.
Sa madaling salita, ang pagpapalabas ng dokumento ay hindi nangangahulugang tinanggap na itong patunay laban sa Bise Presidente. Maaari pa ring kuwestyunin ng depensa ang bawat dokumento, ang paraan ng pagkuha nito, at ang koneksyon nito sa isinasakdal. Mismo!
Sa ganitong kalidad ng isang ruling, makikitang patuloy na nagiging patas si Chiz sa kanyang mga desisyon bilang Presiding Officer habang umuusad ang paglilitis. At iyan ang pananaw ng nakararami.
Bago paman ang trial, sinabi ni Senator “Ping” Lacson na mahalaga ang kaalaman sa batas, rules of court, at evidence dahil maaaring kailanganing maglabas agad ng ruling ang namumuno sa proceedings. Ito ang dahilan kung bakit ibinoto ng Senate majority si Chiz bilang Presiding Officer.
Pinuri rin ni retired Supreme Court Justice Adolfo Azcuna ang paghawak ni Chiz sa proceedings sa impeachment. Marami aniyang naging challenge sa trial ngunit naging maganda ang takbo nito, at binigyan pa niya ng “high grades” si Chiz bilang Presiding Officer.
May mga positibong pagsusuri rin mula kina constitutional law professor Tony La Viña, writer Katrina Stuart Santiago, House prosecutor Congresswoman Gerville Luistro, at defense spokesperson Atty. Michael Poa tungkol sa bilis, paghahanda, at kaayusan ng proceedings.
Sabi pa ng isang netizen: “Chiz Escudero, the current Presiding Officer of Vice President’s impeachment trial, must be a well-patched version of the Chiz Escudero who served as Senate President of the 19th Congress. Kung sino man ang nag-software update kay Chiz, mabuhay ka!”
Sagot ni Escudero rito: “No upgrade, just the same principle and stance regarding adherence to what the law says.”
Kamakailan ay nagpahayag din ng suporta kay Chiz si dating Senate President Franklin Drilon. Sinabi nitong naging decisive ang pamumuno ni Chiz sa impeachment trial, at dahil dito’y maaaring matapos ang trial bago pa matapos ang taon.
Marahil ginagampanan lamang ni Panelo ang kanyang tungkulin bilang dating opisyal ng Duterte administration. Pero, maaari namang kuwestyunin ang isang ruling habang kinikilalang maayos ang pangkalahatang pamamahala sa paglilitis.
At para sa nakararami, tama ang tinatahak ng paglilitis sa pamumuno ni Escudero. Subaybayan!