Advertisers
Habang naghahanda ang bansa para sa State of the Nation Address (SONA) sa Hulyo 27, isang lumalakas na pambansang kilusan ng mga nakatatandang Pilipino ang nakalikom na ngayon ng higit sa 5 milyong lagda na nanawagan kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na lagdaan at gawing batas ang Universal Social Pension Act.
Ang dumaraming suportang ito ay nagpapatuloy mula sa tagumpay ng makasaysayang martsa noong Mayo 26, kung saan daan-daang senior citizens mula sa iba’t ibang rehiyon ang nagtipon-tipon sa Kongreso. Sa naturang demonstrasyon noong Mayo, personal na inihain ng mga kinatawan ng nakatatanda ang unang bahagi ng higit isang milyong lagda kay House Speaker Faustino “Bojie” D. Dy III habang direktang nagpaabot ng pakiusap sa Malacañang.
Ang patuloy na kampanya—na may opisyal na pamagat na “12 Milyong Lagda Para sa Matatanda: Universal Social Pension, Ngayon Na!”—ay pinangungunahan ng House Committee on Senior Citizens sa ilalim ng pamumuno ni Chairperson Hon. Milagros Aquino-Magsaysay ng United Senior Citizens Partylist, kasama ang mga miyembro ng komite, mga lokal na pederasyon, at mga tagapagtaguyod sa lahat ng lalawigan sa bansa.
Samantala sa ginanap na partial turnover ng mga lagda noong Mayo 26, ipinahayag ni House Speaker Faustino “Bojie” D. Dy III ang buong suporta ng Mababang Kapulungan para sa mga nakatatanda sa bansa, at binigyang-diin na ang panukala ay higit pa sa simpleng tulong pampinansyal.
“The Universal Social Pension is not simply about assistance. It is about dignity, gratitude, and compassion… our seniors must be provided support to help them afford all of their basic needs. Let us always remember that the true measure of a nation is how it cares for its most vulnerable citizens.” Ani Speaker Dy.
“Babantayan natin ang Universal Social Pension bill na ngayon ay nakasalang na sa Committee on Appropriations,” dagdag pa ni Dy, bilang pagtiyak sa komitment ng lehislatura na isulong ang panukalang batas.
Ipinapanawagan ng kilusan na ang social pension ay ipagkaloob bilang isang karapatan para sa lahat ng Pilipinong may edad 60 pataas, anuman ang kakatayuan sa buhay. Binigyang-diin ni Hon. Aquino-Magsaysay na ang panukala ay hindi na lamang isang simpleng lehislatibong panukala, kundi isang urgent na moral at makabuluhang pangangailangan para sa 12 milyong senior citizens sa bansa.
“Since the 17th Congress or almost a decade now, I have been advocating for this measure not as a grant of privilege but a recognition of our senior citizens’ rights,” pahayag ni Magsaysay. “Ngayon po higit kailanman, kailangan na nating ipagkaloob ang social pension. Hindi lang para sa mga indigent senior citizens – kundi para sa lahat ng matatandang Pilipino – ng wala nang pinipili, ng wala nang sinisino.”
Inilahad din ni Magsaysay ang datos mula sa Commission on Population and Development (CPD) at University of the Philippines Population Institute (UPPI), kung saan ipinapakitang ang mga senior citizen ay bumubuo na ng humigit-kumulang 10% ng kabuuang populasyon, at higit sa dalawang-tatlo sa kanila ay may pinagdadaanang chronic illness. Binigyang-diin din niya na ang mga karatig-bansa tulad ng Brunei, Thailand, at Vietnam ay mayroon nang ganap na universal social pension system.
Alinsunod sa prinsipyo ng dating Pangulong Ramon Magsaysay—na nag-akda ng orihinal na Social Security Law ng bansa at sikat sa katagang “those who have less in life must have more in law”—binigyang-diin ng mambabatas na inaalis ng bill na ito ang stigma ng pagpapatunay na ikaw ay lubos na mahirap para lamang makatanggap ng tulong mula sa pamahalaan.
Sa kanyang pagtatapos, nagpaabot ng direktang panawagan si Hon. Magsaysay sa Presidente bago ang kanyang ulat sa bansa sa July 27, kung saan ipinaalala niya kay Pangulong Marcos Jr. ang malalim at makasaysayang ugnayan ng mga nakatatanda sa pamana ng kanyang pamilya. (Cesar Barquilla)