Advertisers
Unang linggo ng buwan kasalukuyan – Hulyo 5 hanggang Hulyo 8, hinamon ang kakayahan ng Quezon City Police District (QCPD) sa ilalim ng pamumuno ni PBrig. Gen. Randy Glenn Silvio. Ang hamon ay ang back-to-back na malakihang pagtitipon – “White Ribbon Rally” at ang asembleya ng “Iglesia Ni Cristo” . Magkasunod ang pangyayari na ginanap sa People’s Power Monument (PPM) sa Quezon City.
Hindi madaling trabaho ang pamahalaan ang magkasunod na dambuhalang rally pero sa kabila ng lahat – pinangunahan mismo ni Silvio ang kanyang mga opisyal at tauhan para panatilihin ang kaayusan at katahimikan sa dalawang rally. Ang mismong presensya ni Silvio sa frontline ang siyang nagtaas ng moral sa kanyang mga opisyal at tauhan para masiguro ang seguridad ng lahat na sumali sa rally.
Ngayon, nahaharap na naman sa panibagong hamon ang QCPD. Ngunit, ano pa man nakahanda na ang kapulisan – itaya ulit ang kanilang buhay upang tiyakin ang seguridad ng lahat sa nalalapit na ika-limang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Hulyo 27.
Tulad ng naunang nabanggit, isang malaking patunay para mapanatili ang kapayapaan sa SONA (rallies) ang naging aksyon ng QCPD sa EDSA kamakailan na kayang balansehin ang pagpapatupad ng batas at ang paggalang sa karapatan ng mga mamamayan sa payapang pagtitipon.
Sa darating na SONA, mas papaigtingin pa ang kahandaan sa pamamagitan ng pagpapakalat ng libo-libong pulis simula madaling araw ng Hulyo 27, pagpapatakbo ng Multi-Agency Coordinating Center (MACC), at pagpapatupad ng mga kasanayang nakuha sa Civil Disturbance Management at Human Rights Refresher Courses.
Ngunit ang seguridad sa SONA ay hindi lamang ukol sa pagprotekta sa Pangulo at sa mga matataas na opisyal sa loob ng Batasang Pambansa. Ito ay nakataya rin sa kaligtasan ng mismong mga pulis na nakabilad sa init at sa mga ralistang isinisigaw ang kanilang saloobin sa kalsada. Sa katunayan, ang pulis na nakatayo nang mahabang oras sa barikada at ang mamamayang nagmamartsa sa Commonwealth Avenue ay kapwa mga Pilipinong may ipinaglalabang kinabukasan para sa kani-kanilang pamilya.
Sa inaasahang situwasyon, dito na papasok ang tunay na sukatan ng tagumpay ng QCPD – ang pagpapanatili ng tinatawag na “maximum tolerance”. ‘Ika nga, ang tagumpay na ipinamalas nila sa People Power Monument ay dapat maging pamantayan din sa Hulyo 27. Ang pagpapanatili ng peace and order ay hindi nangangahulugan ng pagpapatimik sa boses ng bayan, kundi ang pagtiyak na ang lahat—sumasang-ayon man o pumupuna sa pamahalaan—ay makauuwi nang ligtas sa kani-kanilang tahanan.
Sa muling pag-imbabaw ng mga barikada at checkpoint sa lungsod, inaasahan ng publiko na ang dugo at pawis na itataya ng QCPD ay magbubunga ng isang maayos, ligtas, at makatarungang SONA 2026.