Advertisers
Kumpiyansang-kumpiyansa ang Prosecution Panel na nabigo ang depensa na gibain si National Bureau of Investigation (NBI) Director Melvin Matibag sa ginawa nitong pagharap sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte bilang ikatlo at huling testigo na ipinrisinta ng prosekusyon.
Maikli pero madiin at natatawang ‘No Way’ ang sagot ni Private Prosecutor Atty. Amando Virgil Ligutan nang tanungin kung natibag ba si Matibag.
Sabi naman ni Counsel for the Prosecution Atty. Benjamin Tolosa, tiwala sila na malinaw daw at sapat na ang mga ibinigay na testimonya nina NBI Agent John Mark Calilung, NBI Regional Director Atty. Jeremy Lotoc at NBI Director Melvin Matibag upang pagtibayin ang Article 4 ng Articles of Impeachment.
Binanatan naman ni House Prosecutor Rep. Terry Ridon ang ginawang pagkaladkad pati sa asawa ni Matibag na kasalukuyang miyembro ng Kongreso, sa pagtatangkang sirain ang kredibilidad ng NBI Director. Si Laguna First District Representative Ann Matibag kasi ay isa sa mga nag-endorso ng resolusyon na nagsasaad ng Articles of Impeachment laban sa Bise Presidente.
Gayundin, sa pagtatangka na palabasing tsismis lang ang pagbabanta ni VP Duterte sa buhay ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr., First Lady Liza Marcos at dating House Speaker Martin Romualdez.
Para naman kay Deputy Speaker at House Representative Janette Garin, sa klase ng mga pagsagot ng NBI chief sa mga ipinukol na tanong sa cross-examination, “Hindi natibag si Director Matibag.”
Paano ba namang matitibag si Matibag eh 29 taon na itong abogado? Kumuha siya ng Philosophy sa University of Santo Tomas bago nagkaroon ng law degree mula sa Ateneo de Manila University taong 1996. Nakapasa siya sa bar sa sumunod na taon at naka-kumpleto din ng master’s degree in corporate and finance law sa Wayne State University sa Detroit, Michigan.
Naging unang dean din si Matibag ng Lyceum of Alabang College of Law at pareho ding guro ang mga magulang nito.
Kaya naman walang kahirap-hirap at ni bahagyang pagkataranta na nakita kay Matibag sa dalawang araw nitong pagsalang bilang testigo sa nasabing trial.
Kalmado at tuloy-tuloy lang ang kanyang mga pahayag at kahit anong paikot-ikot ay hindi nagbabago ang mga sinasabi nito.
Totoo nga ang sinabi ni Matibag bago siya humarap sa impeachment court bilang testigo. Wala daw siyang ginawang anumang espesyal na preparasyon dahil katotohanan lang ang pinanghahawakan niya.
Congratulations, NBI Director Matibag for a job well done!!!
***
Maaring mag-text o tumawag sa 0917-5225128 para sa anumang reaksyon.