Dahil sa preparasyon sa “Traslacion”, Mayor Honey, pinuri ni Sec. Abalos, Fr. Sescon
Advertisers
BINIGYANG papuri nina Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Benhur Abalos, Jr. at Fr. Jun Sescon, rector at parish priest ng Quiapo Church, ang lahat ng pagsisikap ng Manila city government sa ilalim ni Mayor Honey Lacuna para sa preparasyon ng ”Traslacion’ ngayong January 9, 2024, ito rin ang kauna-unahang pagkakataon na ginawa matapos ang tatlong taong pamamahinga dahil sa pandemya. Kasabay nito ay inanunsyo din ni Abalos na paiiralin ang signal jam.

Ang pahayag ay ginawa nang mag-break sa walk-through inspection na ginawa sa Quiapo nina Abalos, Lacuna, Sescon, Philippine National Police sa pamumuno ni Gen. Benjamin Acorda, Jr., National Capital Region Office sa pamumuno ni Jose Melencio Nartatez, Jr. at Manila Police Distrtict Director Arnold Thomas Ibay at iba pa.
Pinasalamatan din ni Abalos ang PNP, Armed Forces of the Philippines, Bureau of Fire and Philippine Coast Guard at iba pa, para sa kanilang gagampanang papel sa ‘Traslacion.’
Hinikayat ni Lacuna, ang mga deboto na magsuot ng face masks na ipamimigay ng local government sa mga magtutungo sa simbahan kapag dumaan na sila sa inilagay na x-ray machine patungong Quiapo Church kung saan gagawin ang isang buong araw na misa.
Pinapayuhan din ang mga deboto na sundin ang payo ng mga awtoridad tungkol sa do’s and don’ts, at ang panawagan sa mga may kapansanan, may sakit at buntis na wag ng sumama sa prusisyon dahil mapanganib. Ipinagbabawal din ang pagdadala ng mga bata. Maaari namang panuorin ang prusisyon sa ligtas na distansya.
Nagpahayag naman ng kasiyahan si Sescon sa ginawa ng local government sa ‘Pahalik’ at sa kabila ng napakahabang pila ay naging maayos at mapayapa ito.
Samantala ay humingi naman ng pang-unawa si Abalos sa publiko sa planong signal jamming at sinabing ito ay para sa kabutihan ng lahat. Ang signal jamming ay awtomatikong ginagawa tuwing may ‘Traslacion.’
Samantala ay nanawagan din si Lacuna sa mga deboto at mga manonood na itapon sa wastong sisidlan ang kanilang mga basura, kasabay ng kanyang direktiba kay department of public services chief Kayle Nicole Amurao na tiyaking nakabuntot ang mga street sweepers at trak ng basura sa prusisyon para agad na linisin ang mga kalye na dadaanan ng ‘Traslacion’
Idinagdag din ng alkalde na nagtayo rin ng field hospital ang Manila Disaster Risk Reduction Management Office sa pamumuno ni Arnel Angeles sa Bonifacio Shrine kung saan ang minor casualties ay maaring dalhin at malapatan ng lunas. (ANDI GARCIA)