Advertisers

Advertisers

Congressmen ang inatasan para sa People’s Initiative

0 25

Advertisers

MGA mambabatas pala ang inatasan magpapirma ng ‘petition letter’ sa kanilang constituents para sa nilulutong People’s Initiative (PI) para sa Charter Change (Cha Cha), pag-amyenda sa ating Saligang Batas.

Ibig sabihin nito, may alam dito ang leadership ng House of Representatives, si Speaker martin Romualdez, ang pisan ni Pangulong “Bongbong” Marcos.

Oo! Hindi naman basta kikilos ang mga mambabatas kung walang bendisyon ng kinikilala nilang “boss”. Dahil malaking halaga ang kailangan nila sa pagkalap ng mga pirma, P100 nga raw ang bigayan. See!!!



Sa Davao City, binomba ni Representative Paolo Duterte si PBA Partylist Rep. Margarita “Migs” Nograles. Inakusahan niya si Migs na ito ang nagpapaikot ng papel para sa people’s initiative.

Ayaw ni Paolo ng charter change. Dahil kapag nagtagumpay nga naman ito ay malamang manatili sa kapangyarihan ang Marcos at Romualdez tulad ng yumaong diktador na Marcos Sr., mawawalan ng tsansa ang sister niyang si Vice President Sara Duterte-Carpio na matunog na kakasa sa 2028. Mismo!



Kaya nanawagan si Paolo sa kanyang mga kababayan sa Davao na huwag pumirma sa PI kahit pa bigyan sila ng P100 o P1,000.

“I am against this people’s initiative as this is not the people’s voice but the voice of a few who wanted to perpetuate themselves in power,” sabi sa kanyang statement.



Sa amin din sa Romblon province, umiikot na ang papel para sa PI. Tig-P100 nga raw ang bigay sa bawat pipirma. Ang mga nagpapaikot ay mga kakamping mayor ni Congressman “Budoy” Madrona, tapos inaatasan naman ng mayor ang kanilang mga tagasunod na barangay kapitan.

Kung totoo itong P100 bawat pirma, malamang na mabilis makakalap ng kailangang bilang ng mga pirma ang nasa likod ng PI. Dahil karamihan sa mga tao sa probinsiya basta’t may iniaabot na pera ay talagang pipirma kahit ‘di naiintindihan ang laman ng kanilang pinipirmahan. Mismo!

Bakit ko nasabi ito? Eh kung eleksyon nga kahit galit ang tao sa kandidato kapag naabutan ng P500 ay iboboto ito. Yan ang katotohanan. Nabubulag ang tao kapag pera na ang nagsalita.

Kaya naniniwala ako na mabilis pa sa alas kuwatro na makakalap ng kailangang mga pirma ang nasa likod ng PI. Peks man!

Pero marami pang prosesong dadaanan ito. Ang bawat pirma ay kailangan pang kumpirmahin kung totoo o peke. Kaya dapat may address ang pumirma.

Ginawa na ito ng nakaraang Arroyo administration. Bilyon bilyong piso ang nalustay sa PI pero hindi nagtagumpay. Kumita lamang ng daang milyones ang mga nagsulong. Tama ba ako, Atty. Raul Lambino?

Ngayon, saan naman kinukuha ang bilyones na budget sa pagsulong sa PI? Sigurado hindi nila sariling pera kundi pera nating taxpayers! Ginigisa tayo sa sarili nating mantika ng mga animal.

Tutulan ang PI! No to charter change!